PAG-AARAL NG PANANAMPALATAYA, PAGLILINGKOD SA SIMBAHAN AT PAGKAKAISA NG SAMBAYANAN

Homilia ni Bp. Mylo Hubert C. Vergara, August 26, 2013, sa Okasyon ng ika-10 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng Diyosesis ng Pasig

Magandang umaga po sa inyong lahat.  Akala ko po ay di na matutuloy itong ating pagdiriwang dahil sa habagat at bagyo.  Pero sa kabila ng lahat, narito tayo ngayon at nagdiriwang ng misa.  Sampung taon na ang Diyosesis ng Pasig! Papurihan at palakpakan natin ang Panginoon!

Tunay ngang napakabuti at napakadakila ng pag-ibig ng Diyos sa Pasig, Pateros at Taguig. Parang kalian lang at nakarating na tayo ng sampung taon bilang sambayanan ng Diyos. Ito’y dahil sa katapatan ng Diyos sa atin.

Ito ang mensahe ng lahat ng pagbasa sa pagdiriwang ng misa natin ngayon.  Sa unang pagbasa mula sa aklat ng mga Hari (1 Hari 8:56-61), pinaalalahan ni Haring Solomon ang bayang Israel na dahil sa katapatan ng Diyos sa kanyang bayang minamahal, tinupad Niya ang kanyang pangako sa Israel.  Sa pamamagitan ni Moises, sila’y nakarating sa lupang pangako at iniligtas sa kanilang mga kaaway.  Kaya nga ito ang awit ng salmo: “Papurihan ang Maykapal dahil tapat siyang magmahal!”  Sa ikalawang pagbasa naman, mula sa sulat ni San Pablo sa mga taga-Efeso (Efeso 1:3-14), ang katapatan ng Diyos ay pinatunayan sa pagtubos ni Kristo mula sa ating pagkamakasalanan sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus at muling pagkabuhay.   Ang tapat niyang pag-ibig ay ipinadama niya sa atin sa kanyang pagpapatawad sa ating mga kasalanan.  At sa ating ebanghelyo mula kay San Juan (Juan 17:20-26), ang katapatan ng Diyos ay ipinadama sa atin noong una pa man noong ipinanalangin ni Hesus sa kanyang Ama—hindi lamang ang kanyang mga alagad kundi pati na rin ang mga mananalig sa kanya—Tayo yon! Sabi nga ni Hesus: “Kung paanong ikaw ay nasa akin at ako’y nasa iyo, gayun din naman, maging isa sila sa atin upang maniwala ang sanlibutan na ikaw ang nagsugo sa akin.”  Ito po ang ibig sabihin ng motto ng Diyosesis ng Pasig nung itinatag, sampung taon na ang nakararaan: “Ut Unum Sint.”

Sa kabila ng katapatan ng Diyos sa atin, ano kaya ang paaanyaya niyang hamon para mas makabuluhang pagdirwang natin ng ika-sampung taong anibersaryo? Nais kong maglahad ng tatlong hamon:
                
1.     Pag-aaral ng ating pananampalataya

Ngayong “Year of Faith” o Taon ng Pananampalataya, inaanyayahan tayo ng ating dating Santo Papa Benedikto XVI na balikan at pag-aaralan ang mga aral ng ating pananampalataya.  Ibig sabihin ay dapat magbasa ng biblia, ng ating katesismo at ng iba pang dokumento ng Simbahan katulad ng “Vatican II documents”.  Hindi na po puede sa panahon ngayon na umasa sa pakikinig sa sermon ng pari tuwing misa ng linggo.  Marami tayong dapat matutunan para maging mulat sa mga pangaral ng ating pananampalataya.  Kaya nga po ngayong taong ito dito sa Pilipinas, idineklara ng ating mga Obispo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na ito’y Taon ng “Integral Faith Formation” upang seryosohin natin ang personal at pampamayanang paghuhubog tungkol sa mga mahahalagang aral ni Hesus at ng Simbahan.  Paghahanda rin ito sa pagdiriwang natin ng ika-500 anibersaryo ng Kristiyanismo sa Pilipinas sa darating na 2021.

Nung “World Youth Day” (WYD 2013) sa Brazil nasabi ng ating Santo Papa Francisco sa kabataan na mihahalintulad ang pag-aaral ng pananmpalataya sa mga atleta na nagsasanay sa isang “sports field” (Sabi daw mahilig manood ng “soccer” si Pope Francis).  Para maging magaling at mahusay na atleta, anuman ang “sports” mo, kailangang mag-ensayong mabuti para manalo sa laban.  Ganun din di ba? Kailangang mag-ensayo sa pamamagitan ng pag-aaral sa ating pananampalataya.  Hindi na puede ngayon ang isang Katolikong walang alam sa kanyang sinasampalatayanan.  Ito ngang nakaraan kong bisita pastoral sa isang parokya, naitanong sa akin ng isang lider-layko kung ano daw ang gagawin ng Simbahan sa marami na ring sumasapi sa ibang sekta o ibang relihiyon pa nga.  Kaya nga ang isa sa mga sagot ko: buksan ang bibliya, buksan ang libro ng katesismo, buksan ang maraming aklat na naglalaman ng katuruan ng simbahan.  Pag-aralan, pagnilayan at pagdasalan!

       2.     Paglilingkod sa Simbahan

Sinabi ng Panginoon: “Marami nga ang aanihin at kakaunti ang manggagawa.  Idalangin ninyo sa Panginoon ng ani na magpadala siya ng manggagawa sa kanyang ani.” (Mateo 9:37-38)  Ito po ang problema natin sa ngayon.  Maaaring sasabihin ninyo, napuno natin ang katedral na ito at maraming lingkod ang Diyosesis ng Pasig.  Pero sa totoo lang, kulang na kulang po ang mga pari at madre natin na naglilingkod sa lampas 1.6 milyong katoliko (alam niyo po yan!).  At noong nakaraang buwan, namatay at inilibing natin ang isa nating pari, si Fr. Mars Selmar.  Iiilan din lamang po ang mga seminarista natin. Sana po bawat isa sa atin ay manghikayat ng kabataang magpari o magmadre.

Pati mga lider-layko ng mga parokya ay kakaunti rin at bihirang madagdagan. At nuon  nga pong nakaraang linngo, nailibing na sa kanyang huling hantungan ang ating kapatid na si Ferdie Fuentes na naging mahusay, mabuti at banal na laikong lingkod ng Holy Family Parish, Barrio Kapitolyo.   Marami na ring ilan sa inyo na tumatanda na ay naghahangad na maipamana sa mga kabataan ang inyong paglilingkod. Kaya nga po isa sa mga hangarin ko ang maipamulat sa ating lahat ang pagiging mabuting katiwala ng Panginoon—sa ingles ay yung tinatawag na “stewardship of time, talent and treasure”. Yung bang maunawaan natin na sa Diyos galing ang lahat at bilang tugon sa mga biyaya ng buhay, pamilya, eduksayon at iba pang yamang natanggap natin sa buhay, dapat makapaglinkod tayo sa Diyos para kahit sa mumunting paraan ay maipakita natin ang pagsukli ng “utang na loob” sa kanya kahit di ito kailangan ng Diyos.

Minsan sa isang pagpupulong sa parokya, naitanong sa akin ng isang aktibong  lider-layko kung bakit di niya mahikayat ang ilang miyembro ng kanyang pamilya na maglingkod sa simbahan.  Naisip ko at naisagot ko tuloy.  May mga sitwasyon kasi na tayo mismo na naglilingkod sa parokya (obispo, pari, madre o layko ka man) ay inaasahang maging mabuting halimbawa ni Hesus.  Kaso pagkagaling natin sa simbahan, na inaasahang nakarinig sa Salita ng Diyos at tumanggap ng Banal na Komunyon ay di nagiging salamin ni Hesus.  Di nila makita si Hesus sa ating salita at gawa.  Kaya siguro kailangan nating magbagong-buhay para makahikayat ng iba na magbagong buhay rin at maglingkod kay Kristo.

3.      Pagkakaisa bilang Sambayanan ng Diyos

Naalala ko ang isang “interview” sa kauna-unahang obispong Pilipino sa Amerika, si Bp. Oscar Solis, tungkol sa mga Pilipino sa Los Angeles, California (si Bp. Solis po ay tubong San Jose, Nueva Ecija kung saan ako dating naglingkod bilang obispo). Tinanong sa kanya: “Bishop, “united” po ba ang mga Pilipino sa Archdiocese of Los Angeles?” Pabirong sagot niya: “Aba oo. Very United.  United ang mga Ilocano. United ang mga Bicolano. United ang mga Bisaya.  United ang mga Kapampangan…”  Natawa po ako.  Di ba may katotohanan.

Marami sa atin ay “kanya-kanya” at “tayo-tayo” mentality pa rin.  Sa parokya, may mga paksyon-paksyon pa rin. May mga ang tingin: “Sila, loyal or ‘favorite’ ni Father, kami rebelde ng parokya at kaaway ni Father.”  Yun iba naman sariling “mandated organization” lang ang iniisip.  At yun iba walang pakiaalam.  Sana po itigil na natin ang pagkakawatak-watak, o kaya ang hidwaan na dulot ng intriga at samaan ng loob sa parokya. Ang mga may tampuhan ay magpatawad na po at magkipagkasundo sa bawat isa.  Tahakin na po natin ang daan ng paghihilom ng mga sugatang puso na magdudulot sa ating pagkakaisa upang maayos na ang makapaglingkod sa Diyos at kapwa.

Sa aking palagay, ito po ang tatlong hamon sa ating ng Diyos upang maging makabuluhan ang paglalakbay natin bilang diyosesis sa mga taon pang darating: seryosong pag-aaral ng ating pananampalataya, masigasig na paglilingkod sa ating pamayanan at makatotohanang pagkakaisa ng ating sambayayan.


Sa pamamagitan ng ating Mahal na Ina, ang Imaculada Concepcion at lahat ng patron ng ating mga parokya, hilingin natin sa Poong Maykapal na maging makabuluhang saksi tayo ng pananampalataya ng  Diyosesis ng Pasig sa isip, sa salita at sa gawa. Amen.

Comments