Mga banal na langis

Bishop Mylo Vergara

Isa sa mga tampok na bahagi ng liturhiya ngayon ay ang pag-aalay, pagtanggap at pagbabasbas ng mga banal na langis: una, ang langis para sa maysakit at ikalawa, ang banal na krisma o ang langis na ginagamit sa binibinyagan, kinukumpilan at inoordinahang pari.  Pagnilayan natin ang simbolo ng mga lanigis na ito para sa aming mga paring narito ngayon at para sa inyong lahat na pinaglilingkuran naming mga pari.  Hayaan ninyong maghain ako ng tatlong tanong na bibigyan ko ng naayong tugon upang maipaliwanag ang pangaral ng simbolo ng mga langis.

1.    Ano ang pangkalahatang simbolo ng langis?

Di po ba ang langis ay nagmamarka?  Sa ating mga nabinyagan, nakumpilan, at sa aming naordinahang pari, ang langis na pinahid sa atin ay nag-iiwan ng permanenteng marka (indelible mark…parang indelible ink).  Kung baga, tayo ay markado na ng Diyos.  Puede ding sabihin, para tayong si Joaquin Burdado—burdado na sa mata ng Diyos.  Ang permanenteng marking ito ay tatak ng pag-big ng Diyos sa atin.  Tinanatakan o minarkahan tayong maging anak niya, saksi niya, ordeng lingkod niya para sa sambayanan minanamahal Niya.  Ang tatak Niya sa ating bininyagan ay tanda na tayo’y tagapagmana ng Kanyang Kaharian.  Ang tatak Niya sa ating mga kinumpilan ay tanda na ang Espiritu Niya ang magsisilbing lakas natin upang maging epektibong saksi Niya sa ating mundong ginagalawan.  Ang tatak Niya sa aming mga inordinahang pari ay tanda na kami’y pinili ng Diyos mula sa kanyang sambayanan upang ipagpatuloy ang misyong sinimulan at tinapos ni Hesus para sa kaligtasan ng sanlibutan.

2.    Ano ang ipinararamdam ng markang naiiwan ng ipinahid na langis?

Balikan natin ang panalangin sa pag-aalay at pagtanggap ng mga langis na sinasambit ng pari:

·       Langis para sa maysakit: “Maranasan nawa ng mga may karamdaman na papahiran ng langis na ito ang awa, pakikiramay at mapanligtas na pagmamahal ni Kristo, sa kanilang katawan, isip at kaluluwa.”

Samakatuwid, pinaparamdam sa maysakit ang awa, pakikiramay at mapanligtas na pagmamahal ni Kristo.  Ibig sabihin, nadadama ng maysakit ang mapagkalingang pag-ibig ng Diyos sa gitna ng kanilang nararanasang takot dala ng kanilang pisikal, emosyonal o espirituwal na sakit o karamdaman.

·       Banal na Krisma: “Ang papahiran ng mahalimuyak na Krismang ito: ang mga bibinyagan, at kukumpilan; mga oordinahang pari, ay makaranas nawa ng biyaya ng Espiritu Santo.”

Pinanaparamdaman naman sa bibinyagan, at kukumpilan; at sa mga oordinahang pari, ang biyaya ng Espiritu Santo. Ano ang dulot ng Espiritu Santo?

v Sa Binyagan: pagiging Pari, Propeta at Hari
v Sa Kinumpilan: ang pitong handog ng Espiritu Santo—karunungan at pang-unawa, pagiging makatwiran sa pagpapasya, matibay ang loob sa lahat ng pagkakataon, kaalaman at pamimitagan at banal na pagkatakot sa Diyos.
v Sa Inordinahang Pari: Pagtupad sa misyong iniatas ng Diyos sa kanya—na panguluhan ang pagdiriwang ng Banal na Misa kung saan ang kamay Niyang pinahiran ng Banal na Krisma ang gagamitin ng Panginoon upang ang tinapay at alak na inialay ay maging Katawan at Dugo ni Hesus; ipahayag at ipangaral ang Salita ng Diyos; at maging punong-lingkod ng Diyos sa pamayanan.

Sa totoo lang, napakapalad natin dahil ang mga langis na pinahid sa atin ay patunay lamang ng dakilang pag-ibig ng Diyos sa ating lahat. Pinadadama Niyang hindi tayo nag-iisa at kailanman di pababayaan.

3.    Ano naman ang hamon ng mga langis na ito?

Para sa langis na pinapahid sa maysakit, hinahamon kaming mga pari na maging makabuluhang ministro ng pagpapagaling. Sa mga pinapahiran, maging instrumento ng paghihilom sa kapwa.

Para sa Banal na Krisma na pinahid sa kamay naming mga pari, hinahamon tayong maging makabuluhang lingkod ng Diyos sa pamamagitan ng pagiging:

v Paring ibinabahagi ang Kabanalan ng Diyos
v Propetang ibinubunyag ang Katotohanan ni Kristo
v Haring ipinakikita ang Kadakilaan ng Krus sa ating buhay

Sa pinapahiran ng Krisma sa binyag at kumpil, kayo’y hinahamon ding maging makabuluhang lingkod ng Diyos sa inyong pamilya, parokya at bayan.

Mga minamahal kong pari, pagkatapos ng ilang sandali, muli nanaman ninyong sasariwain  ang inyong mga ipinangako noong kayo’y inordinahang pari sa harap ng inyong sambayanang pinaglilingkuran.  Alalahanin ninyong ang gagawing ninyo ay bunga lamang ng lakas na kaloob ng Espiritu Santo na tinanggap ninyo noong pahiran kayo ng Banal na Krisma sa binyag, kumpil at ordinasyon.  Matagal na kayong markado ng Diyos.  Ibig sabihin, espesyal ang pagmamahal Niya sa inyo. Nawa’y tugunan ninyo ang pagmamahal na ito sa pamamagitan ng isang seryosong pag-aalay ng sarili sa inyong pagkapari. Inanasahan ito hindi lamang ng Diyos kundi pati narin ang sambayanang pinaglilingkuran ninyo.

Mga minamahal na kapatid kay Kristo, habang inyo namang sinasaksihan ang pagsasariwa ng mga pari sa kanilang ipinangako noong sila’y ordinahan, ipagdasal ninyo kami. Ipagdasal ninyong maisabuhay namin ng buong katapatan ang banal na bokasyong ipinagkaloob sa amin ng Diyos.  At harinawa, sa pagpapahid namin ng mga banal na langis sa inyo, madama ninyo ang pag-ibig ng Diyos ngayon at magpakailanman. AMEN.

   

Comments