“GAMITIN ANG DIGITAL MEDIA SA PAGLILINGKOD SA SALITA”

LIHAM PASTORAL


Minamahal kong bayan ng Diyos sa Diyosesis ng Pasig:

Sumusulat ako upang ipabatid sa inyo na ang Linggo ng Pag-akyat ni Kristo sa langit nitong ika-16 ng Mayo ay tinatawag ding “Pandaigdigang Araw ng Komunikasyon”. Taun-taon at ngayon sa ika-apatnapu’t apat na pagkakataon, ang Santo Papa ay nagpapahayag ng kanyang mensahe sa buong mundo ukol sa maayos paggamit ng Mass Media upang maipangalat ang Mabuting Balita, tulad ng atas na binigay ng Panginoon sa kanyang mga disipulo bago siya umakyat sa langit na “ipahayag ang Mabuting Balita at gawin mga alagad ko ang lahat ng mga bansa.” (Mateo 28,20)

Sa taong ito, na tinatawag ding “Taon ng mga Pari”, minarapat ni Santo Papa Benito XVI na magpahayag ng mensahe ukol sa “Digital World” na may kaugnayan sa mga pari. Dito, linilinaw ng Santo Papa na malaki ang maitutulong ng Bagong Media sa mga pari upang “ipahayag ang Salita ng Diyos at isulong ang Komunio kasama ni Kristo at sa Kanya.”

Pahayag ng Santo Papa, “Ang mga pari ngayon ay nakatayo sa harapan ng makabagong panahon: kung ang mga bagong teknolohiya ay nakalilikha ng mas malalim na uri na pakikipag-ugnayan ng mga tao kahit sa malalayong lugar, tinatawag ang mga pari na tumugon sa pamamagitan ng paggamit ng teknolohiya sa paglilingkod sa Salita ng Diyos.

Ang mga Web sites, blog, larawan at panooring “digital”, kasama ang mga naunang media ay maaaring makapagbukas ng bagong pamamaraan para sa dialogo, pagpagtuturo ng pananampalataya, at katekesis.”

Ngunit higit sa kaalaman ng mga pari sa mundo ng digital communications ay ang paghubog ng kanilang pusong pampari - ang kanilang kaugnayan kay Kristo. Ayon sa ating Santo Papa, “Ito ang pinakakaluluwa ng ministerio ng isang pari; nagdudulot ito ng buhay sa kanyang gawaing pastoral, ang kanyang pagkakabit kay Kristo.”

Mga kapatid, ipagdasal natin ang ating mga pari! Misyon nilang magtatag ng tunay na pakikipagkapwa-kalooban at magbigay-saksi sa buhay na nagmumula sa pakikinig ng Ebanghelyo ni Hesus, ang walang-hanggang Anak na dumating sa ating piling para sa ating kaligtasan.

Minamahal ko mga pari, huwag ninyong kalilimutan na ang pagiging mabunga ng inyong pagkapari ay nagmumula kay Kristo mismo na natatagpuan at pinakikinggan sa panalangin, ipinapa- hayag sa pagtuturo at pagsaksi sa buhay, at nakikilala, minamahal at ipinagdiriwang sa mga sakramento lalo na sa Banal na Eukaristiya at Pagpapatawad.”

Ang mga bagong teknolohiya ay ang bagong pagtatagpo ng iba’t ibang media. Nawa’y sa gitna nito matagpuan natin ang presensya ni Kristo, hindi lamang sa makabagong pamamaraan kundi sa pinakapuso ng kanyang mga hinirang, ang mga pari nating inatasang magpangalat ng Mabuting Balita ng Kaligtasan!

Ang inyo Servus Dei,


+FRANCISCO C. SAN DIEGO, D.D.
Obispo ng Pasig

Comments