Ang Tunay na Kristiyanong Lider


Sa nagdaang proseso ng pagpipili ng mga na lider-lingkod na magpapatuloy na alagaan ang kapakanan ng mga mananampalatayang binubuo ng Parokya, minarapat nating ipahayag sa pamamagitan ng Salita ng Diyos at turo ng Simbahan ang mga katangian ng isang Kristiyanong lider-lingkod.
   Una, binigyang liwanag na ng Simbahan noon pa man ang pagkakaiba ng pagpipili’t katangian ng mga lider na binubuo ng Simbahan at yaong mga hari’t lider sa sibil o sekular na daigdig.
   Sa huling Hapunan noong hinugasan niya ang mga paa ng mga apostol, sinabi ni Hesus, “Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon. Tama ang sinasabi ninyo sapagkat ako nga.  Yamang ako na inyong Panginoon at Guro ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din nga kayong maghugasan ng mga paa ng isa’t isa. Binigyan ko kayo ng halimbawa upang inyong gawin ang tulad ng ginawa ko sa inyo.” (Jn 13: 14 – 15)
 Pinagtibay ito ng Simbahan sa pamamagitan ng kanyang mga pari na itinalagang maglingkod at hindi maaaring maging alipin ng alinmang partido o ideolohiya. “Ang kanilang gampanin ay maging tagapamalita ng Mabuting Balita at pastol ng Simbahan upang maabot ang spiritual na paglago ng Katawan ni Kristo.” (Presbyterorum Ordinis no. 6)
   Sa Code of Canon Law, ang Pastoral Council ay kinabubuuan ng miyembro ng Kristiyanong mananampalataya “na may ganap na pakikipag-ugnayan sa Katolikong Simbahan – mga pari, miyembro ng “Consecrated life”, at mga laiko – na hinirang sa pamamaraang ipinasya ng Obispo ng Diyosesis.” (Can. 512)    
    Walang iba maliban sa mga miyembro ng Kristiyanong mananampalataya na bantog sa matibay na pananampalataya, matuwid na pag-uugali, at kahinahunan ang mahihirang sa Pastoral Council. (Can 512, 3)
   Ang Pastoral Council ay may papel na pagsangguni lamang at itinitipon ng Obispo ng diosesis batay sa pangangailangan ng pastoral na gawain. (Canon 514, 1)
   Sa Ikalawang Konsilyo Plenaryo ng Pilipinas, ang pinakagabay sa bawat nasa kapangyarihan ay siya dapat nasa buong paglilingkod sa ngalan ni Kristo at may responsibilidad, pagtalima, at paggalang mula sa kanyang mga miyembro. (PCP II, Art. 40, 1)  Ang patutunguhan ng lahat ng ito ay sa ganap na pakikilahok ng mga miyembrong bumubuo ng Simbahan o Katawan ni Kristo.
   Sa kahuli-hulihan, pakinggan natin ang Panginoong Hesukristo, “Hindi ninyo ako hinirang ngunit ako ang humirang sa inyo at nagtalaga sa inyo. Ang dahilan ay upang kayo ay humayo at mamunga at ang inyong bunga ay manatili.” (Jn 15, 16)
   Kung sino ang nais mamuno ay unang maging lingkod. “Sinumang ibig na maging una sa inyo ay magiging alipin ninyo. Maging katulad siya ng Anak ng Tao na naparito, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at magbigay ng kaniyang buhay na pantubos sa marami.” (Mt. 20, 26 – 28)
   Kung sino mang nais na sumunod kay Kristo ay magpasan ng kanyang krus. Sinabi niya sa lahat, “Kung ang sinuman magnanais na sumunod sa akin, tanggihan niya ang kaniyang sarili. Pasanin niya araw-araw ang kaniyang krus at sumunod sa akin.” (Lk. 9, 23)
   Sa pagpasok natin sa misteryo ng pag-aalay ni Kristo sa krus nitong Kuwaresma, pagnilayan at isabuhay natin ang diwa ng isang Kristiyanong lider-lingkod. (Fr. Joselito Jopson - Parish Priest Sto. Rosario de Pasig Parish)

Comments