HOMILIYA NI OBISPO MYLO HUBERT C. VERGARA D.D. SA KANYANG IKA-22 ANIBERSARYO NG PAGKAPARI


Alam niyo mga minamahal na kapatid, tuwing nadiriwang po kami ng anibersaryo bilang mga pari, pumapasok sa isipan at puso namin ang pagtatanong kahit nagpapasalamat kami sa handog na bokasyon ng biyaya ng bokasyon na bigay sa amin, “Bakit nga ba ako nagpari?  Bakit nga ba?”

Naalala ko po nong bago pumasok sa seminaryo, iinterbyuhin ka ng isang pari.  Itatanong sa iyo, “Bakit mo ba gustong mag-pari?” at maraming sagot dyan.

Naalala ko ang sagot ko, yun daw kalimitang sagot ay “Gustong kong mag-serve.  Gusto kong maglingkod sa Diyos.” 

Iba po yung sagot ko.  Sinagot ko, “kasi gusto kong mapalalim yong pakikipag-ugnayan ko sa Panginoon.”

Iyon po ang sagot ko.  Naroon pa rin po ako sa paghahanap.  May tawag pero may pagkilatis. 

Maliwanag po sa aking tinutunton ko pa itong kalooban ng Diyos kaya nasabi ko na kaya gusto kong pumasok sa seminaryo, kaya po gusto kong magpari ay para mapalalim ang aking pakikipag-ugnayan sa Diyos.

Alam niyo po, may ibabahagi po ako sa inyo ngayong misang ito.  Naisip ko na sa loob ng dalawangpu’t dalawang taon ko bilang pari, ang katotohanan ay babalik ako sa sagot ko sa tanong, “Ba’t ba ako nagpari?”

Talagang totoo iyon hanggang ngayon.  Gusto kong palalimin ang pakikipag-ugnayan ko sa Diyos at nakikita ko kung mayroong isang lugar na sabihin na nating situasyon sa aking buhay kung saan pakiramdam ko ay naroon ang sa aki’y hindi lang konsolasyon kundi proteksyon.

Sabi nga po sa Ingles, “Where you feel you’re most secured,” ang isasagot ko po sa inyo ay kapag ako ay nasa kapilya ko’t nagdarasal. Doon pakiramdam ko ako ay protektado ng Diyos.

Bilang lingkod ng Panginoon, ito ang maliwanang sa akin pagkatapos po ng dalawangpu’t dalawang taon na kung hindi dahil sa Diyos, hindi po ako titindig ngayon at mananatiling pari at maglilingkod bilang Obispo.  At sigurado din ako na sasabihin po sa inyo ng mga paring naririto kung hindi dahil sa Diyos hindi po kami mananatiling maging pari.

Kaya po nasabi ni Propeta Isaias sa ating unang pagbasa na sumakanya ang Panginoon, ang Espiritu ng Panginoon.  Kaya nasabi ni Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Colosas na handa siyang maglingkod at ialay ang sarili dahil sa Panginoong Hesukristo. 

Kaya nasabi ng Panginoon sa ating Ebanghelyo na siya’y mabuting pastol at handing ialay ang kanyang buhay sa kanyang mga tupa.

Kung mayroong nais akong ibahagi sa inyo na katangian ng isang mabuting lingkod ng Panginoon, katangian dapat ng isang lingkod ay mahawakan niya ang Panginoon sa kanyang buhay dahil ang Panginoon ang kanyang ibabahagi sa kanyang paglilingkuran.

Kaninang umaga na nagdadasal ako, nagdadasal po ako sa Blessed Sacrament, binabalikan ko ang araw ng aking ordinasyon at yung gabi bago ako naordinahan.

Noong nabubuhay pa si Cardinal Sin, ang kinagawian ay kailangan kang matulog sa Villa San Miguel.  Doon sa tahanan niya, lahat po ng oordinahan ay kailangang kasama niya at kasabay niyang pupunta sa Cathedral. 

Kinabukasan, naranasan ko po ito, pito po kami noon na inordinahan at doon kami natulog.  Magkakasama kami at noong gabing iyon, binigyan po kami ng kaunting panayam ng yumaong Jaime Cardinal Sin.  Nagbigay po siya ng pangaral.  Nagkataon di po ba ngayon March 24?  Noong inordinahan po kami Sabado din ng March 24.

Pero noong araw na iyon sa Liturgical Calendar ipinagdiwang yong Feast of the Annunciation.   Naalala ninyo, kung titignan niyo ang Ordo, ang pagdiriwang ng Annunciation ay sa Lunes di ba?  Dahil sumagasa sa Linggo ang ika-25 ng Marso.  Pero nagkataon po na iyon ang nakalagay sa kalendaryo kaya ang pagdiriwang din po ng aming ordinasyon ay Dakilang Kapistahan ng Annunciation.

At di ko makakalimutan ang sinabi ni Cardinal Sin.  Pangaral niya bago kami matulog, sabi niya, “Tomorrow you will conceive Christ.  Annunciation bukas, magsisimula na paglilihi niyo.”

Iniisip ko kung ano’ng ibig sabihin noon.  ‘At pagkatapos ng siyam na buwan, manganganak kayo at ibabahagi niyo si Kristo,’ parang sinabi niya sa ordinasyon ninyo,  “Si Kristo’y sasainyo at ibabahagi niyo sa inyong paglilingkod.”

Ito po ang katotohanan ng isang lingkod kapag tinanggap mo ang Panginoon Hesukristo.  Sumaiyo ang Panginoong Hesukristo.  Ito’y walang ibang kauuwian kundi ibahagi ang Panginoong Hesukristo.  Ito ang buhay ng isang pari, ng isang madre, ng isang relihiyosong pari, at ng isang layko.

Araw-araw, kapag nagmimisa, nagsisimba po tayo, tinatanggap natin si Kristo sa banal na komunyon, hamong ibahagi siya, hamon ipakilala siya, hamon ay ipahayag siya upang makilala siya, maramdaman, marinig, maranasan ang Diyos ng pag-ibig, walang iba kundi ang Panginoon Hesukristo.

Comments