ANG MENSAHE NG LIBINGANG WALANG LAMAN
Maligayang
Pasko ng Muling Pagkabuhay sa inyong lahat!
Tuwing
Linggo ng Pagkabuhay, isang larawan ang nagpapahayag ng mensaheng si Hesus ay
muling nabuhay at kapiling natin. Ito
ang larawan ng libingang walang laman.
Walang nakasaksi kung paanong muling nabuhay si Hesus. Sa Ebanghelyo ayon kay San Mateo nasasaad na biglang
lumindol ng malakas sa libingan ni Hesus nang pumunta si Maria Magdalena at isa
pang Maria. Isang anghel na nagpagulong
sa takip ng libingan ng Panginoon ang nagsabi sa mga babae: “Huwag kayong
matakot; alam kong hinahanap ninyo si Hesus na ipinako sa krus. Wala na siya rito, sapagkat siya’y muling nabuhay
tulad ng kanyang sinabi.” (Mt 28:5)
Sa
Ebanghelyo naman ayon kay San Juan, nasasaad na nakita ni Maria Magdalenang
naalis na ang batong panakip sa pinto ng libingan ni Hesus. Sinabi niya ito kina
Simon Pedro at sa alagad na mahal ni Hesus.
Pumunta at pumasok sa libingan ang
dalawang alagad. Pawang kayong lino at panyong ibinalot sa ulo ang kanilang
nakita. Walang laman ang libingan at
sila’y naniwala na muling nabuhay ang Panginoon. Sapat na ang libingang walang laman upang
maniwala ang mga alagad. (cf. Jn 20:1-10)
Para sa atin, maaaring hindi problema ang maniwala
na si Hesus ay muling nabuhay. Ang pakikilahok natin sa mga pagdiriwang nitong
Semana Santa ay patunay na tayo’y naniniwala: simula sa misa noong Linggo ng
Palaspas; sa mga tradisyonal na Pabasang sinimulan at tinapos sa mga kapilya;
pati na rin sa ating pangungumpisal noong Kumpisalang Bayan ng ating parokya;
sa pagsama natin sa mga prusisyon at mahabang Daan ng Krus; hanggang sa
taltlong araw na pagdiriwang ng liturhiya ng Misteryo Paskwal; at ngayon naman
ang pagdiriwang natin ng Misa ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. Tunay ngang naniniwala tayong si Hesus ay
Muling Nabuhay. Masaya tayo at nagagalak. Pero masaya ba at nagagalak si Hesus
sa atin?
Naitanong ko ito sapagkat kalimitan, naiiwan sa
Semana Santa ang katunayan na sumasampalataya tayong si Hesus ay muling
nabuhay. Marami sa atin ang pagkatapos ng isang linggong pagninilay at
panalangin ay bumabalik sa luma at makasalang pag-uugali. Nakalulungkot isipin na ang libingan ni Hesus
ay wala ng laman ngunit tayo naman ay nakalibing pa rin sa isang madilim na
buhay na makasalan kung saan inuuod at naagnas ang ating kaluluwa.
Mga
minamahal na kapatid kay Kristo, ang hamon ng araw na ito at ng mga araw pang
darating ay tuparin ang nais ni Hesus na muling nabuhay para sa atin. Ipakita nating tinutupad natin ang kalooban
at pangarap Niya sa ating buhay Kristiyano sa pamamagitan ng pagtakwil sa
kasalanan at pagbabagong-buhay. Hayaan nating si Hesus ang mag-alis ng batong
nakatakip sa ating madilim na libingan upang tayo’y makalaya sa buhay na
makasalanan at matamo ang pagpapanibagong buhay kay Kristo.
Nawa’y
seryosohin natin ang pagsariwa sa mga pangako natin noong tayo’y binyagan. Ipangalandakan natin na itinatakwil natin si Satanas at
lahat ng uri ng kasalanan. Ipangalandakan natin na sumasampalataya tayo sa
Diyos Ama, sa Diyos Anak at sa Diyos Espiritu Santo na nagmamahal sa atin.
Ipangalandakan natin na sumasampalataya tayo sa ating Inang Simbahang na nais
nating paglingkuran.
Magagalak si Hesus kung tayo mismo ang magiging
buhay na simbolo ng Kanyang muling pagkabuhay.
Comments