Photo courtesy of: http://en.wikipedia.org/wiki/File:Saint_Pedro_Calungsod,_Statue.jpg
Mensahe ng Lubhand Kgg. Mylo Hubert Vergara, DD, Obispo ng Pasig sa Okasyon
ng Pagdalaw ng imahe ni San Pedro Calungsod sa Diyosesis ng Pasig noong ika-26 ng Okubre, 2012
Ang
Lubhang Kagalang-galang Oscar Solis, bisita po natin na Auxiliary Bishop ng Los Angeles California, ang ating mga kaparian
ng Pasig at mga bisitang pari, ang mga madre, ang delegasyon po ang nagdala ng pigrim image po dito sa ating katedral
ng Diyosesis ng Pasig, kayo po mga minamahal na kapatid sa pananampalataya, magandang
hapon po sa inyong lahat!
Isang
malaking karangalan para sa Diyosesis ng Pasig na tayo ang ikalawang binisita
ng tinaguriang pilgrim image ni San
Pedro Calungsod. Palakpakan natin ang Panginoon!
Alam
niyo po ito pong pilgrim image na ito
ay bibisita sa buong Pilipinas, at sa tutuo lang hindi po lahat ng diyosesis ay
mabibisita pero pinili po tayo dito sa Pasig na ikalawang bisitahin. Siguro sa
ating pagninilay dito po sa solemneng pagtanggap sa pilgrim image ni San Pedro Calungsod, magandang pagnilayan ang
ipinangangaral ng ikalawang Pilipinong Santo para sa ating lahat. Sigurado ako
marami na po kayong narinig tungkol sa buhay ni San Pedro Calungsod, pero
magandang tingnan kung ano nga ba ang nagsisilbing inspirasyon sa pagka-santo
ni San Pedro Calungsod na kapupulutan po ng aral para sa ating lahat.
Una,
siya’y inspirasyon ng kabataang Pilipino at siguro kabataan din sa buong mundo.
Mapapansin n’yo sa kanyang buhay 17 o 18 years old pa lamang ay talagang sa
kanyang kabataang edad ay naglingkod na sa Diyos, naging katulong na ng pari,
hindi lang sa pagmi-misa, naging sakristan ng pari, at alalay ng pari. Patunay lamang ng kahalagahan ng
pananampalataya para sa kanya. Isang
kabataang sa kanyang murang edad ay pinatunayang ang mahalaga ay pananalig sa
Diyos. Kailangan po ‘yan ng kabataan
ngayon, kasi ‘di po lingid sa ating kaalaman marami pong kabataan ang
napapariwara ang buhay, nalalayo sa Diyos, nalilinlang ng mga tukso ng
kamundohan, ni ilang mga kabataan nahuhulog sa tinatawag na tukso ng droga,
tukso ng laman at lalo na ang maraming nagagawa ng materyalismong mundo. Kaya
maaaring si San Pedro Calungsod ay magtuturo sa kabataan ngayon na baliwala
lahat yan; ang mahalaga ay pananalig sa Diyos. Panandalian lamang ang
ibinibigay na kasarapan o kaligayahang iniaalay ng mundo. Ang pananalig sa Diyos,
ang pananampalataya sa Panginoong Hesukristo, ang magdudulot ng walang hanggang
kaligayahan.
Ikalawa,
si San Pedro Calungsod ay inspirasyon para sa mga katekista. Siya po’y, sabi
nga, tinuruan ng mga misyonerong pari lalo ng mga Heswita tungkol sa Doktrina
Kristiyana, tungkol sa pangangaral ng simbahan. Kaya nga mapapansin ninyo sa kanyang imahe ay
hawak hawak niya ang librong Doktrina Kristiyana kahit papano hindi lang sa
pag-aaral kundi sa pangangaral tungkol sa pananampalataya. Sa kanyang batang edad ay naging
tagapagpalaganap na siya ng Mabuting Balita ng Diyos. Inspirasyon siya para sa
mga katekista - katekistang magulang, katekista sa ating mga paaralan,at
katekista sa ating mga pamayanan. Alam nyo, kulang na kulang po ngayon ng mga
magpapalaganap ng Mabuting Balita ng ipinangangaral ang mga paninindigan po ng
Diyos at ng Simbahan. Kaya sa totoo lang, mapalad po tayo dahil si San Pedro
Calungsod ay huwaran natin at modelo upang bawat isa sa atin ay panghawakan ang
hamon na maging katekista din at ipalaganap ang mabuting balita ni Kristo.
Ikatlo,
si San Pedro Calungsod ay inspirasyon sa ating mga Overseas Filipino Workers
(OFWs). Kita n’yo naman sa kanyang buhay mula po sa kanyang kinagisnan sa Visayas
maaring kung sa Cebu s’ya pinanganak ay sinama na sya ng mga misyonerong pari
at pumunta sa ibang lugar kaya nga sya napadpad dito po sa Marianas Island at
kung saan s’ya naging martir doon po sa Agana, Guam.
Balikan
n’yo ang buhay ni San Lorenzo Ruiz de Manila.
Siya’y naging martir sa Nagasaki, Japan. Ang ikalawang Pilipinong santo
naging martir sa iba ring bansa roon po sa Guam na tinatawag ngayon. Marami po sa ating mga kababayan na nasa iba’t
ibang bansa, hindi po ba? Sa Saudi, sa Middle East, sa Europa, sa Amerika, at
kung saan-saan pa, makakakita ka ng mga Pilipino doon po nagtatrabaho, at
sigurado po ako meron kayong mga mahal sa buhay kamag-anak, kaibigang kakilala
na mga Overseas Filipino Workers. Alam nyo ba sa panahon ngayon tinatawag nga
po silang mga “bagong bayani” para sa atin. Pero tawagin po nating katulad ni San Pedro
Calungsod, mga bayaning Katolikong Kristiyano. Sila din po’y nagmimisyon lalo
na sa mga bansang nakakalimutan na ang Diyos. Di po lingid sa inyong kaalaman lalo
na po sa Europa wala na pong pumupuno ng simbahan doon kapag linggo kundi mga
Pilipino. Sila po ay nangangailangan din ng pamamagitan ni San Lorenzo dahil
marami din silang mga hinaharap na hamon, kalungkutan, kalimitan karanasan ng
mga problemang moral at espirituwal pero sa gitna ng lahat ng ito sila po’y
nagpapalaganap ng Mabuting Balita; mga bagong misyonero sa panahon ngayon.
Mga
minamahal na kapatid kay Kristo, kung titingnan natin ang inspirasyon ni San
Pedro Calungsod para sa atin, sa kabataan, katekista, at sa mga Overseas
Filipino Workers, tunay ngang mapalad tayo dahil pinagkalooban tayo ng bagong
mamamagitan sariling atin at kababayan natin para sa ating mga panalangin lalo
na sa Poong Maykapal.
Huli
na lamang pong pagninilay; kung babaliktanawan po natin ang mensahe ng ating
mga pagbasa ngayon, isa lang ang tinutumbok. Ano nga ba ang tinatawag na
katangian ng isang lingkod ni Kristo katulad ni San Pedro Calungsod? Ang
lingkod ni Kristo, sabi nga sa unang pagbasa, ay handang magsakripisyo at
magbata ng hirap. Ang lingkod ni Kristo sa ating ebanghelyo ay tinatawag na
mapalad kahit sa gitna ng pag-uusig, dahil inuusig siya sa ngalan ng Diyos. Kailangan
po tayong maging mga martir katulad ni San Pedro Calungsod, handang
magsakripisyo para sa Diyos. Handang mag-alay ng buhay para sa ating kapwa. Maaaring hindi natin dadaanan yung dinaanan ni
San Pedro Calungsod na sinibat, biniyak ang ulo, namatay, inanud sa dagat dahil
sa pananampalataya’t pagtatanggol sa kanyang kapwa, pero sa araw-araw nating
buhay, maraming hamon ng sakripisyo.
Sa
mga magulang pong naririto ngayon, ‘di po ba mahirap magsakripisyo para sa
inyong mga anak? Sa mga mag-asawang
naririto ngayon, ‘di ba mahirap magsakripisyo at maging tapat sa inyong
kabiyak? Sa mga anak na naririto ngayon,
‘di ba kalimitan mahirap magsakripisyo kapag may gusto tayong para sa ating
sarili pero hindi maibigay ng ating mga magulang? Sa mga naglilingkod sa ating
mga parokya, sa mga naglilingkod sa simbahan, kailangang magsakripisyo ng ating
oras ng ating sarili para sa Diyos. Hindi po madali ang maglingkod sa Diyos,
pero sinasabi po sa ating ebanghelyo ngayon, kapag nagsakripisyo ka katulad ni
San Pedro Calungsod, “Mapalad ka dahil mapapasaiyo ang kaharian ng Diyos.”
Palakpakan
natin muli si San Pedro Calungsod!
Log: Headline_news, Bishop’s
message
/PDOC 20021103
Comments