Dei Verbum: Ang Diyos ang nakikipag-ugnay sa atin

FEATURE ON THE YEAR OF FAITH THIS DECEMBER
BY FR. RAMIL MARCOS


Isa pa sa mga mahahalagang dokumento ng Simbahan ay ang Dei Verbum (salin  sa Ingles: The Word of God; at official title sa Ingles ay Dogmatic Constitution on Divine Revelation), na bunga din ng Vatican II.  Dito ay matatagpuan natin ang pang-unawa ng mga Katoliko tungkol sa pagbubunyag ng Diyos ng mensahe ng kanyang pagliligtas.
   Dati rati, kapag sinabing Katoliko, ang katumbas ay Tradisyon. At kapag sinabing Protestante, ang katumbas ay Bibliya.  Subalit sa Dei Verbum, nilinaw na para sa ating mga Katoliko, ang Diyos ay nakikipag-ugnayan sa atin sa kapwa Bibliya at Tradisyon ng SImbahan.  Ang Bibliya ay aklat ng Simbahang Katoliko, ito ay nagmula at ipinalaganap ng ating mga ninuno sa pananampalataya.
   Subalit ang Biblya ay dumating at nabuo sa ilalim ng Tradisyon ng simbahan hindi malayo dito, kundi kaugnay nito.  Ngayon, maging mga Protestante ay nag-iisip na tungkol sa Tradisyon dahil nakikita nila dapat balikan ang Tradisyon upang maunaawaan ang kumpletong pagbubunyag ng Diyos.
   Ang ba ang bibliya para sa ating mga Katoliko?  Ang Bibliya ang Salita ng Diyos na nasusulat sa pamamagitan ng salita ng mga taong kinasihan ng Espiritu Santo.  Ang bibliya ay mula sa Diyos pero gumamit ang Diyos ng mga ordinaryong tao upang ito ay masulat.  Hindi ito nagmula sa langit at bumagsak lamang sa lupa tulad ng pang-unawa ng ibang relihyon. Hindi rin ito purong Salita ng Diyos lamang, dahil dumaan ito sa isip, karanasan at pananaw ng mga taong ginamit ng Panginoon.  kaya, may konteksto ang bibliya at hindi dapat unawain na tila hiwalay sa mga nakapaligid na realidad dito.
   Ano ang Tradisyon?  Ito naman ang proseso ng pagsasalin-salin ng aral ng Panginoong Hesukristo mula sa mga apostol hanggang sa ating panahon sa tulong ng Simbahan.  Hindi lahat ng aral ng Panginoon ay naisulat.  Marami ang isinabuhay at patuloy na isinasabuhay pa ng mga Kristiyano ngayon.  Hanggang maraming taon pagka-akyat sa langit ng Panginoon, wala namang bibliya.  Ang namamayani ay ang Tradisyon.  At sa ilalim ng Tradisyon, dito naisulat at nabuo ang BIbliya.
   Kaya nga, dalawa ang bukal ng iisang Salita ng Diyos, bibliya at Tradisyon, isang nasusulat at isang naisasalin sa buhay ng mga Kristiyano.  Tayong mga Katoliko, buo ang ating pagtanggap sa paghahayag ng Diyos ng kanyang sarili.  Sa dalawang bukal na ito, nakakatagpo natin ang Dyos sa ating panahon ngayon.
   Dahil sa Dei Verbum nagkaroon ng bagong sigla ang mga Katoliko na basahin, aralin, at isabuhay ang bibliya.  Dahil din sa Dei Verbum nabalikan natin ang aral tungkol sa banal na Tradisyon na mula pa sa mga apostoles at sa kanilang mga kahalili, ang mga Obispo sa buong kasaysayan ng panahon.
   Ang Bibliya at Tradisyon – dalawang bukal ng iisang bugso ng Salitang Buhay ng Diyos at dito galing ang ating pagkaka-kilala sa mensahe ng Panginoon, sa Kanyang pagbubunyag ng sarili sa daigdig at sa bawat isang tao.

log: Year of Faith update

Comments