Lumen Gentium: Ang pagkakakilala ng Simbahan sa kanyang sarili



A YEAR OF FAITH FEATURE FOR NOVEMBER 2012

BY FR. RAMIL MARCOS

 Noong Ikalawang Konsilyo Vaticano o Vatican II, ang pandaigdigang pagtitipon ng mga Obispong Katoliko mula 1962-1965, nasulat ang dokumentong Lumen Gentium (salin sa Ingles: Light of the Nations; at official title sa Ingles: Dogmatic Constitution on the Church).  Ang mahalagang dokumentong ito ay naglalaman ng aral ng ating Simbahan tungkol sa ating pang-unawa tungkol sa tunay na anyo at kilos ng Simbahan.  Ito ang unang pagkakataon na nagnilay at naglahad ng kanyang turo tungkol sa kanyang sarili ang Simbahan.

Bagamat marami nang nasulat tungkol sa Simbahan noon pa man, subalit ang Lumen Gentium ang unang pagninilay na nag-ugnay sa SImbahan sa Banal na Kasulatan, sa aral  ng mga Fathers of the Church at sa makabagong hamon ng daigdig.  Dati kasi ang Simbahan ay pinag-uusapan lamang kaugnay ng mga batas na may kinalaman sa pagpapatakbo ng kanyang buhay.  Ngayon, talagang naka-ugat sa Tradisyon ng Simbahan ang mga pagninilay na inihandog ng Vatican II.

Ano ba ang Simbahan ayon sa ating pananampalataya? 

Una, ang Simbahan ay Misteryo.  Kalimitan kapag sinabing misteryo, ang akala natin ay mga bagay na hindi nauunawaan, mga bagay na tago at lingid sa ating kaalaman.  Subalit ang misteryo ay halaw sa salitang griyego na misterion at salitang latin na sacramentum.  Ang mga salitang ito ay kapwa may kahulugan na naka-ugat sa mga turo ni San Pablo sa Bibliya.  Kay San Pablo, ang misteryo ay isang bagay na inilahad ng DIyos, ibinunyag ng DIyos para sa ating kaligtasan.  Hindi nakatago, kundi nakalahad para sa pagliliwanag ng isip at puso ng lahat.

Ang Simbahan pala ay isang kasangkapan ng Diyos sa pagsisiwalat Niya ng Kanyang pagmamahal at paglingap sa buong sangkatauhan.

Ikalawa, ang Simbahan ay Bayan ng Diyos.  Bago ang Vatican II, maraming tao ang nag-iisip na pag simbahan, dapat gusali.  Malalaking gusali para sa pagsamba.  Malalaking gusali para sa ritwal ng pananampalataya.  Subalit sa Lumen Gentium, unti-unti natutunan ng mga Katoliko na ang Simbahan ay sila, tayo, magkakasama bilang mga anak ng DIyos.  Tayo ang simbahan dahil tayo ang Bayan ng DIyos.

Sa bibliya, ang unang Bayan ng Diyos ay ang Israel subalit itinutuloy ng Simbahan ang pagtawag sa Israel sa ating panahon ngayon. 

Dahil Bayan ng Diyos, tayo ay naglalakbay, kumikilos, lumalakad sa kasaysayan.  Hindi pa tapos an gating misyon.  Magkakasama tayong tumutugon sa panawagan ng DIyos sa atin.

Ang Simbahan ay misteryo at bayan.  Pagnilayan natin kung akma ba dito ang ating pananaw sa ating minamahal na SImbahang Katolika.

LOG: YEAR OF FAITH UPDATE

Comments