SUMASAMPALATAYA AKO….



Homiliya ng Lubhang Kgg. Mylo Hubert Vergara sa Chrism Mass noong ika-28 ng Marso 2013

Noon pong nakaraang Biyernes, naisipan kong pumunta sa aking “priest-confessor” para mangumpisal.  Bagamat ginagawa ko po ito buwan-buwan, naisip ko rin na magdiriwang ako ng ika-23 anibersaryo bilang pari, na naganap nung nakaraang ding linggo na nataon namang Linggo ng Palaspas. Naisip ko na rin na ang pagkukumpisal ko ay makabuluhang paghahanda sa isa nanamang taong pasasalamat sa katapatan ng Diyos sa aking pagkapari. Alam ninyo, yun aking “priest-confessor” ay isang matandang paring relihiyoso.  Matalas pa ang isip at mahusay ang pandinig (hindi bingi, na kalimitan ay hinahanap natin sa isang paring pupuntahan para pakinggan yun kumpisal natin). Pagkatapos ng paglalahad ko ng kasalanan at mga magandang payo niya sa akin, parang nagtanong siya: “What will I give a bishop for penance?” (Ano kaya ang ibibigay kong penitensya sa isang obispo).  Sa tagal ko nang nagkukumpisal sa kanya, ngayon lang niya naitanong yun.  Mukhang nahirapan sa aking mga kasalanan. Pagkatapos ng ilang sandali, sinabi niya: “I think I know what penance to give you: Pray the CREDO, the Apostle’s Creed!” (“Alam ko na: Dasalin mo ang Sumasampalataya!”)

Di naman po ito yun unang beses na ganito ang naging penitensya ko.  Pero sa totoo lang, pagkatapos kong dasalin ito, malalim kong pinagnilayan ang aking pagkapari at pananalig ko sa Diyos. At sa totoo lang, muling napagtanto ko na may mga pagkakataong na kaming mga obispo at pari ay di naging epektibo sa aming paglilingkod sa inyo at para bagang nawawalan ng ningas sa aming pagkapari, at may mga pagkakataong di kami naging makatotohanang saksi ni Hesus, at yung ilan pa nga’y umaalis sa pagkapari---ito’y dahil nalilingat kami, di sineseryosa ang aming pananampalataya, ang ating sinampalatayan noon at magpa hanggang ngayon.

Mga kapatid kong pari, balikan po natin.  Ang CREDO and sinambit ng ating mga magulang nung tayo’y binyagan at natanggap natin ang biyaya bilang anak ng Diyos at kasapi ng Simbahan.  Ang CREDO ang nagsilbing balangkas ng ating katesismo upang ihanda tayo sa pagtanggap ng sakramento ng kumpil.  Ang CREDO ang sinambit natin nung tayo’y kumpilan, patunay na handa tayong maging saksi ni Hesus at ipahayag ang Mabuting Balita sa salita at gawa.  Ang CREDO ang narinig at pinahayag natin nung dinala tayo ng ating mga magulang sa pagdiriwang ng misa tuwing linggo nung bata pa tayo at lalo na nung tinanggap natin ang “Unang Komunyon”.  Ang CREDO ang naging mahalagang parte ng pagdiriwang ng Eukaristiya nung tayo’y hinuhubog sa seminaryo.  Ang CREDO ang sinambit natin sa bawat yugto ng buhay paghuhubog sa seminaryo hanggang matanggap natin ang handog ng banal na orden sa pagka-diyakono at pagka-pari.  Ang CREDO ang sinasambit ng bawat kura-paroko kapag siya’y itinatalaga sa bago niyang parokya.  Ang CREDO ang sinasambit ng sinumang paring binibigyan ng ministro o tungkulin ng obispo sa kanyang paglilingkod sa diyosesis.  Ang CREDO ang pinasasambit natin sa mga mananampalataya tuwing Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo sa pagsasariwa nila sa mga pangako sa binyag.  Samaktuwid mahalagang parte ng ating pagiging binyagan at pagkapari ang CREDO, ang pagsambit: Sumasampataya ako….

Pero tanong ko pa rin sa aking sarili at tanong ko sa inyo, mga minamahal kong pari: Talaga bang sumasampalaya tayo?  Kung taos-puso tayong, sumasampalataya tayo sa Diyos Amang Makapangyarihan sa lahat, bakit kapag may dumarating na para bagang makapangyarihang tukso ng kayamanan, kahalayan at kapangyarihan, ilan sa atin ay agad bumibigay at nagkakasala?  Kung seryoso tayong sumasampalataya sa Panginoong Hesukristo na ipinanganak ng Mahal na Birheng Mariang buong pakumbabang sumunod sa kalooban ng Diyos Ama, bakit may mga pagkakataong nagdadalawang-isip pa tayo o minsa’y tumatanggi pang sumunod sa kalooban ng Diyos kapag may pinapagawa o inuutos ang obispo na humawak sa ating mga kamay at sa kanya nangakong magiging masunurin nung tayo’y inordenahan?  Kung buong katapatan tayong sumasampalataya sa Panginoong Hesukristo na nagpakasakit, ipinako sa krus, namatay, inilibing at muling nabuhay, bakit kapag nahihirapan tayo sa paglilingkod sa parokya, may mga panahong iniisip natin ang mas madali, ang mas kumbinyente, ang mga bagay na pansariling kapakanan lamang?  Kung buong tiwala tayong sumasampalataya sa Espiritu Santo, bakit may mga pagkakataong di tayo nagdarasal ng “Liturgy of the Hours” at naglalaan ng panahon para sa banal na oras sa harap ng Santisimo Sakramento?  Kung tunay ngang sumasampalataya tayo sa   Banal na Simbahang Katolika, bakit may mga pagkakataong di taimtim ang pagdiriwang natin ng mga sakramento, lalo na ang Banal na Eukaristya, di naghahanda para magbahagi ng masusutansyang homiliya para sa mga nagsisimba, di naglalaan ng panahon para magbigay ng katesismo sa bata at matanda o kaya’y magbigay ng paghuhubog sa mga laiko tungkol sa mga pangaral ng Simbahang Katolika, di maayos ang pakikitungo sa mga miyembro ng pamayanan ng parokya na katuwang natin sa paglilingkod sa simbahan, at kalimitan walang panahon at pagtulong sa mga dukha?  Kung totoong sumasampalataya tayo sa kasamahan ng mga banal, bakit may mga pagkakataong hindi makita sa atin ng mga mananampalataya ang kabanalan bilang mga paring lingkod ng Diyos?  Kung naniniwala tayo sa kapatawaran ng mga kasalanan, bakit ilan sa ating mga pari ay may katagalan bago mangumpisal, at iba’y tinanamad pang magpakumpisal?  Kung naniniwala tayo sa muling pagkabuhay ng mga namatay at sa buhay na walang hanggan, bakit may mga pagkakataong ipinagpapaliban natin ang pagpapahid ng banal na langis sa maysakit na nag-aagaw buhay dahil may pinagkakaabalahan tayong gawaing di naman talaga mahalaga?    

Pasensya na po sa mga minanamahal kong pari, naglahad ako ng konting litanya ng pananampalataya  para siyasatin ang ating mga konsiyensya.  Kaya po ako nagbahagi ng ganito ay napapaloob ang ating Misa ng Krisma sa “Year of Faith”.  Sabi ng ating dating Santo Papa Benedikto XVI: “We want to celebrate this Year in a worthy and fruitful manner. Reflection on the faith will have to be intensified, so as to help all believers in Christ to acquire a more conscious and vigorous adherence to the Gospel, especially at a time of profound change such as humanity is currently experiencing. We will have the opportunity to profess our faith in the Risen Lord in our cathedrals and in the churches of the whole world; in our homes and among our families, so that everyone may feel a strong need to know better and to transmit to future generations the faith of all times. Religious communities as well as parish communities, and all ecclesial bodies old and new, are to find a way, during this Year, to make a public profession of the Credo.” (Porta Fidei #8)

Kung may isang natatanging mensahe ang ating mga pagbasa ngayon, pinapaalala ng Diyos sa ating mga pari na katulad ni Hesus na taglay ang Espiritu ng Panginoon at hinirang ng Diyos upang ipahayag ang Mabuting Balita, bawat isa sa atin ay pinili rin at hinirang ng Diyos para sa misyong ito.  Pero magagampanan lamang natin ito ng buong sigasig at katapatan kung malinaw na nauunawaan, seryosong ipinagdiriwang at totoong sinasabuhay ang ating sinanampalatatayan.

Ito nakaraang buwan ng Pebrero at ngayong Marso, tatlong paring kilala ko at may kaugnayan sa aking ministro ang pumanaw. Yung una ay si Fr. Gerry Tapiador na pinsan ko at naging propesor ko sa mga araling biblia o “scriptures” nung ako’y seminarista pa lamang.  Nasa United States (U.S.) po ako nung namatay siya at nilibing nung nakaraang buwan. Ang mga magulang niya ay nakatira sa Philam Homes, Quezon City kung saan ako’y naging kura paroko ng Sta. Rita de Cascia Parish noong taong 2001 hanggang 2003.  Yung ikalawa naman ay si Fr. Manny Sares na humalili sa akin sa Sta. Rita nung nilipat ako para maging kura paroko ng Parish of the Holy Sacrifice, U.P. Diliman, Quezon City. Nilibing po siya nung Lunes Santo.   At yung ikatlo ay si Msgr. Ceferino Sanchez na labintatlong taong (1988-2001) naging kura paroko ng Sta. Rita Parish. Nilibing po siya nung Martes Santo.  May nagbiro po sa aking pari at tinanong kung ako’y di kinakabahan dahil lahat ng namamatay ay galing sa Sta. Rita Parish.  Tatapatin ko po kayo, kinakabahan po ako.  Mainit pa naman ang panahon at uso ang “stroke” at “heart attack”.  Lahat naman tayo ay takot mamatay. 

Pero mas dapat akong kabahan kung sa oras na kunin ako ng Diyos, di ko seryosong binigay ang buo kong sarili sa aking pagkapari, di ako naging tapat sa mga pangako ko nung ako’y naordenahang pari, di ako naging makabuluhang lingkod ng Simbahan at di ako naging makatotohanang saksi ni Hesus, ang aking sinasampatayanan.

Mga minamahal na kapatid kay Kristo, ipagdasal niyo po ako na inyong obispo, si Bp. San Diego and unang obipso ng Pasig na narito ngayon, at ang mga paring nasa harapan ninyo.  Kami po’y marupok at makasalanan.  Tulungan po ninyo kaming maging mabuti at banal na lingkod ni Hesus.  Tulungan po ninyo kaming manatiling tapat sa aming pagkapari na lakas loob na tinatakwil ang kasalanan at sumasampalataya sa Santisima Trinidad at sa ating Santa Iglesya Katolika na mahal nating lahat. Amen.

Comments