PASTORAL LETTER ON THE YEAR OF THE LAITY: BISHOP MYLO HUBERT C. VERGARA, DD, BISHOP OF PASIG

LAIKO NG PASIG PRESENSYA NG DIYOS SA DAIGDIG

“Dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harap ng mga tao
Upang luwalhatian ang inyong Amang nasa langit”. (Mateo 5:16)

Minamahal kong Sambayanan ng Diyos ng Diyosesis ng Pasig,

Kapayapaan mula sa Panginoong Hesukristo, ang Prinsipe ng Kapayapaan!

Buong galak kong ipinahahayag sa inyo ang taong 2014 bilang “Year of the Laity” o “Taon ng Laiko.” Habang naghahanda tayo sa ika-500 taon ng pagdating ng Kristiyanismo sa ating bayan, nagtakda ang mga Obispo ninyo ng iba’t ibang paksa bawat taon (“Live Christ, Share Christ,” CBCP Exhortation on the Era of the New Evangelization, July 23, 2012). Noong isang taon ay “Year of Integral Faith Formation” na napaloob sa mas malawak na “Year of Faith” o “Taon ng Pananampalataya”  ng buong Simbahan sa buong daigdig. Naging makabuluhan ang nagdaang taon dahil sa “National Consecration to the Immaculate Heart of Mary,” tuwing unang Sabado ng buwan. Sa tulong ng Kalinis-linisang Puso ni Maria, bawat Pilipino ay nagkaroon ng pagkakataong maunawaan, maisapuso at maisabuhay ang pananalig sa Diyos.

Ngayong “Taon ng Laiko” hangad ng inyong mga Obispo na muling tuklasin ng lahat ng laiko ang kanilang katauhan bilang binyagan na isinasabuhay ang kanilang bokasyon at misyon ng pagka – PARI, pagka – PROPETA at pagka – HARING LINGKOD sa Simbahan at lipunan. Ito ang biyayang tinanggap natin mula sa Diyos sa Binyag, pinagtibay sa Kumpil at pinalakas sa Banal na Eukaristiya.

Pagnilayan natin ang “Taon ng Laiko” sa tulong ng ilang laikong huwaran sa pagsasabuhay ng biyaya ng kanilang pagiging binyagan. Sa loob ng aking pagpa – pastol sa Diyosesis ng Pasig, tatlong laikong Katoliko ang nagsisilbing inspirasyon sa akin.

Ang una ay si Miss San Juan na madalas kong nakikita sa pagdiriwang kon gn Misa kapag Linggo ng umaga sa ating katedral. Mahigit siyamnapung taong gulang na at naka – ‘wheel chair” kapag nagsisimba si Miss San Juan. Nasabi nga po ng aking ina na naging guro pa niya ito sa high school. Nakakatawag pansin sa akin ang taimtim nyang debosyon sa Banal na Misa at taimtim na pananalangin pagkatapos ng Misa. Kahit hirap na ang kanyang katawan dala ng kanyang katandaan at kapansanan para pumunta pa sa simbahan para magsimba at magdasal ay buong tapat at tiyagang ginagawa ito, patunay ng pagsasabuhay ng kanyang pagka – PARI bilang binyagan. Dinalaw ko nga siya noong nakaraang Pasko sa kanyang bahay. Hiniling ko sa kanyang ipagdasal ako at lahat ng pari ng ating diyosesis. Binigyang – diin ko sa kanya na napakabisa ng pagdarasal nya at pagsa-sakripisyo niya para mapabanal kaming mga pari.

Ang ikalawa ay si Ka Luring na bantog na katekista mula sa St. Michael Parish, Hagonoy. Batang Pari pa po ako nang nakilala ko si Ka Luring. Pumanaw siya halos tatlong taon na ang nakaraan. Nagsilbi siyang inspirasyon sa akin dahil isa siyang tapat na taga-pangaral ng salita ng Diyos at ng katuruan ng Simbahan. Kahit pagod na pagod siya at walang pera, hindi ito naging hadlang sa pagtuturo niya sa “public school” at mga mumunting pamayanan. Usapang nga naming mga pari noon, kapag kailangan niya ng tulong ng pari para sa Misa o sa Kumpisal, isang paki usap lang niya ay di mo na siya matatanggihan kahit punong-puno ang iskedyul mo. Tunay ngang naging inspirasyon si Ka Luring sa akin dahil isinabuhay niya ang pagka-PROPETA niya bilang binyagan.

Ang ikatlo as si Bro. Ferdi Fuentes na taga Holy Family Parish, Brgy. Kapitolyo, Pasig Bago siya yumao dala ng sakit na kanser noong nakaraang taon, naging huwarang lider-lingkod siya ng parokya. Malaki ang naitulong niya sa pangangasiwa ng proyekto ng bagong tayong simbahan ng Holy Family Parish. Minsan, dinalaw ko siya sa ospital at damang dama ko ang malalim niyang pananampalataya sa Diyos at patuloy na hangaring maglingkod sa kanya hanggang kaya ng kanyang katawan. Nagsilbi din siyang inspirasyon sa kanyang asawa at mga anak at pati na rin kapwa lingkod sa parokya. Pinatunayan niya sa akin ang pagsasabuhay niya ng pagka-HARING LINGKOD bilang binyagang Katoliko.

Hindi lamang sina Miss San Juan, Ka Luring at Bro. Ferdi Fuentes ang mga laikong naging inspirasyon natin sa kabanalan at kabayanihan sa paglilingkod sa Diyos at sa Simbahan. Sigurado akong marami pang iba ang dapat nating alalahanin at pasasalamatan sa ating panalangin.

Nawa’y tandaan at isaloob ng ating laiko ang isinulat ng mga Obispo ng Pilipinas. “You, our dear lay faithful, have as your particular mission the sanctification and transformation of the world from within. In fact, many of you are called by the Lord to do service in the Church and for the Church”. (Filipino Catholic Laity: Called to Be Saints… Sent Forth as Heroes, CBCP Pastoral Exhortation for the 2014 Year of the Laity, December 1, 2013).

Harinawa maging mabunga ang taong ito para sa ating diyosesis sa pamamagitan ng masigasig na paglilingkod na laiko sa iba’t ibang ministro at apostolado ng mga parokya, lalung – lalo na ang mga mumunting pamayanan. Ipagdasal nating marami pang maidagdag sa laikong lingkod sa ubasan ng Panginoon dahil alam naman nating: “Sagana ang anihin ngunit kakaunti naman ang mag – aani.” (Mateo 9:37)

Sa pamamagitan ng ating mga Pilipinong Santo at mga banal na laikong sina San Lorenzo Ruiz de Manila at San Pedro Calungsod, at pati pa rin ang ating Patrona, ang Immaculada Concepcion , panalangin ko na dinggin ng mga laiko ng Diyosesis ng Pasig ang tawag ng Panginoon na maging tunay na banal, at tahakin ninyo ang daan na maging mga bayani ng Simbahan at lipunan sa “Makabagong Panahon ng Ebanghelisasyon.”

Nagmamahal,

+Lubhang Kagalang-galang Mylo Hubert C. Vergara, DD
Obispo ng Pasig
Ika-26 ng Enero 2014

Comments