Kate-chismis!
ni Pd. Michael Israel Ortega
"Ang bawat Katolikong Kristiyano ay Katekista"
- Anonymous
Nakakalimang linggo na ako ng pagtuturo ng katekismo sa Santolan
High School. Iba talaga ang karanasan ng pagtuturo ng mga turo ng ating Panginoong
Hesukristo sa loob ng silid-aralan at pagtuturo naman sa pamamagitan ng
pagbabahagi ng homily sa Misa. Sa loob ng silid-aralan, may interaksyon sa mga
mag-aaral kaya natutunan ko kung anu-ano ang mga mundong ginagalawan nila.
Higit sa lahat, nagagawa kong iangkop ang aking pagtuturo sa kanilang pag-iisip
at kahit sa kanilang mga munting mundong pinanggagalingan. Kaya, bilang pari,
masasabi ko na matingkad kong nagagampanan ang aking "prophetic
office"sa pagtuturo ng katekismo sa loob ng silid-aralan ng isang paaralan
dahil direkta kong tinuturo ang mga mag-aaral. Dahil dito, natutuwa ang ilang
lingkod ng Sto. Tomas De Villanueva Parish, lalo na ang isang guidance
counselor na isa sa mga youth formator at lector ng nasabing parokya, sa aking
pagtuturo ng katekismo.
Nagagawa kong magturo tungkol sa ating pananampalataya hindi
lang bilang isang pari kundi bilang isang Katolikong Kristiyano. Bilang mga
binyagang Katolikong Kristiyano, talagang tungkulin natin na magturo ng
katekismo sa ating mga kapwa Katolikong Kristiyano. Sa katunayan, iyan ang
bilin ng ating Panginoong Hesukristo sa atin noong sinabi Niya: Gawin ninyong
alagad ko ang mga tao sa lahat ng bansa . . . Turuan ninyo silang sumunod sa
lahat ng iniutos ko sa iny (Mateo 28:19 & 20). Kaya tayong lahat ay may
banal na tungkulin na turuan ang mga kapwa natin tungkol sa ating
pananampalataya at huwag nating ipapaubaya na lang sa mga katekista ng ating
mga parokya. Maski sa mga madre at pari ay huwag nating ipaubaya nang husto sa
kanila. Dahil nasa atin ang Banal na Espiritu na tinanggap natin noong tayo'y
binyagan, dapat may katatagan ng loob at kaalaman tayo upang magturo ng
katekismo sa lahat. Iyan dahilan kung bakit puspos tayo ng mga Pitong Kaloob ng
Banal na Espiritu. Kaya magagawa nating sundin ang bilin ng ating Panginoong
Hesukristo na magturo ng katekismo sa lahat.
Paano naman nating magagawang magturo ng katekismo sa iba?
Maraming paraan iyan pero bago ang lahat kailangang turuan muna natin ang ating
sarili ng katekismo. Ngayong Taon ng Pananampalataya, ito'y pagkakataon na
natin na bumili ng mga aklat ng Katekismo para sa mga Katolikong Pilipino at
Bibliya sa mga religious stores at basahin ang mga ito. Higit sa lahat, lagi
tayong magsimba upang mapalalim ang ating pananampalataya. Sa ganitong mga
paraan, magagawa nating ibahagi ang mga natutunan natin sa iba sa ating mga
salita at gawa. Ngunit, ang isa sa mga pinakamainam na paraan ng pagtuturo ng
katekismo ay ang pagiging mabuting halimbawa. Kung tayo'y nagsisimba
linggu-lingg, laging naglalaan ng oras sa pagbabasa ng Bibliya at Katekismo, at
naipapamalas ang kabutihang-loob sa kapwa, tayo'y nagiging epektibong mga
katekista. Ika nga mas madali nating matuturuan ang iba tungkol sa ating
pananampalataya sa pamamagitan ng ating mga kilos kaysa puro mga salita lang
natin. Kailangan isabuhay natin kung natutunan natin at itinuturo nating
katekismo sa iba upang maturuan natin sila. Kaya ang isa sa mga tanda ng isang
binyagang Katolikong Kristiyano ay ang kakayahan na magturo ng mga katotohanan ng
ating pananampalataya sa iba, sa isip, diwa, at gawa.
Comments