Isang Bukas na Liham sa Mga Pari ng Diyosesis ng Pasig

Binasa ng Lubhang Kagalang-galang Mylo Hubert C. Vergara, D.D.
Misa ng Krisma
Huwebes Santo, Ika-17 ng Abril, 2014

Mga Minamahal kong Pari ng Diyosesis ng Pasig:


Kapayapaan sa Taon ng Laiko.

Ako po ay isang laiko na nagmamahal at nagpapasalamat sa mga pari na hinubog sa pagmamahal ng Diyos at inihanda upang  paglingkuran ang Kanyang bayan.  Batid ko po ang hirap ng inyong tungkulin hindi lamang kung araw ng Linggo para magmisa sa amin kundi pati na rin maging sa mga ordinaryong araw na  handa kayong gumanap sa mga tawag ng iba’t ibang tungkulin tulad ng pagbibigay ng mga panayam upang maghatid ng Mabuting Balita, ang pagtugon sa mga tawag upang dalawin ang mga maysakit para pahiran ng banal na langis, sa inyong pananalangin ng taimtim para sa mga maysakit, naulila at pumanaw.   Salamat po sa pagagawad ng iba pang mga sakramento sa amin tulad ng pagbibinyag at pagpapakumpisal.  Salamat din po sa pakikinig at pagpapayo sa mga taong may mabigat na dalahin sa buhay at napakarami pang ibang serbisyo na inyong buong pusong inaako bilang isang itinalagang pari ng Diyos.  Sa lahat ng ito ay sukdulan ang aking pagpupuri at pasasalamat sa Diyos na Dakila sa pagkakaloob sa amin ng mga paring banal at may mabubuting kalooban.

Bilang laikong lingkod ng aming parokya, ako po ay naging saksi sa mga naitalaga at naglingkod na pari sa aming parokya sa maraming taon simula pa ng aking kabataan.  Nasaksihan ko kung paano sila buong sipag, tiyaga at katapatang nag-alay ng pagkapari sa aming pamayanan.  Di ko nga makalimutan ang mga pagkakataon na sinamahan ko pa ang ilang pari sa pagbisita sa tahanan ng mga matatanda at maysakit, pagbibigay ng paghuhubog o formation programs sa mga kabataang laiko, pagtuturo ng Salita ng Diyos sa mga kasapi ng ilang ministries, organizations at sub-parishes, at pakikipag-ugnayan ng wasto sa Pamahalaang Lungsod.  Nakakatunaw ng puso kapag nakikita ko ang ilan naming pari na siya mismong namumuno sa pagtulong sa mga nasalanta ng kalamidad at biktima ng mga sakuna, sa pag-kumpuni ng mga nasirang gamit sa gusali ng aming parokya, sa pagkakaloob ng sariling salapi para sa pag-aaral ng mahihirap na mga bata at sa pakikinig sa mga hinaing ng mga kapus-palad.  Ako nga po’y natutuwa at naeenganyong maglingkod bilang katuwang na laiko sa aming mga paring nag-uukol ng panahon sa pagbubuo ng mga mumunting pamayanan sa parokya. Dahil po sa mga paring nasaksihan kong naging makatotohanang huwaran ni Kristo, ako po ay patuloy na naglilingkod sa Simbahan.

Bagaman ako ay saksi sa mga hindi matatawarang pagsasakripisyo ng sarili alang-alang sa paglilingkod ng ating mga hinirang na kaparian, batid ko po na ako man ay may tungkuling ipahayag ang aking saloobin hinggil sa kung papaano pa mapabubuti ang inyong pagganap sa mga tungkuling sinumpaan ninyo bilang pari ng Diyos at sambayanan.   Alam ko pong hindi ako karapat-dapat na humusga sa sino man sapagkat ako man ay isang makasalanan din at hindi perpekto sa paningin ng Diyos. Subalit para sa ikabubuti ng lahat mula sa mga pinaka-abang parokyano ng ating diyosesis hanggang sa mga pinaka-makapangyarihang nilalang sa ating lipunan na nangangailangan ng pagkalinga ng Diyos ay nakahanda akong magpahayag ng mga isinasamong kuro-kuro sa ating komunidad.

Sa inyo na mga minamahal kong pari, buong pakumbabang mungkahi ko na kayo’y patuloy na mag-ukol nang sapat na panahon sa pananalangin, pagsasabuhay ng Salita ng Diyos at pagbabahagi nito sa aming mga laiko.  Inaasam-asam ko na hindi lamang makita kayo sa pagdiriwang ng Banal na Misa kundi mas dalasan sana ang pagdalaw at pakikisalamuha sa mga munting pamayanan sa mga sub-parishes kung saan uhaw na uhaw ang mga tao sa presensya at personal na pag-aaruga ng mga pari sa parokya.   Maaaring bawasan ang mga personal na nakagawiang pampalipas-oras at ituon ang mas malaking bahagi ng libreng oras sa pagkalinga sa pagpapalawig ng relasyong espirituwal ng pari, laiko at mananampalataya.   Maaari ring bawasan o iwasan ang magarbong uri ng pamumuhay at palitan ang mga bisyo ng serbisyo sa bayan ng Diyos.  Hindi nakatutulong sa pagpapalalim ng pananampalataya ng isang ordinaryong tao ang mamalas niya na ang kanyang pari ay may hindi sinusunod sa sampung utos ng Diyos. Sa kanila ipinagkaloob ang liwanag na magliligtas sa sangkatauhan mula sa kadiliman at nasa kanila ang espiritwal na kapangyarihang mula sa Diyos upang akayin ang mga naliligaw ng landas patungo sa kaliwanagan. Buong tapang nawa ninyong harapin ang mga sigalot sa parokya na tangan ang hustisya ng Diyos sapagkat sa kanila unang inihabilin ng Panginoong HesuKristo ang pangangalaga sa kanyang pastulan tungo sa pagkakaisa ng pamayanan.  Nakatutuwang makita na ang ating Santo Papa mismo, si Pope Francis, ay sumasalamin sa mga halimbawa ni Kristo at patuloy na humihimok sa mga kaparian na mamuhay ng simple at ituon ang kanilang mga sarili sa mga gawaing inihabilin sa kanila ng Diyos.    

Ang pagpapari ay isang mahirap ng bokasyon sapagkat ito ay nangangailangan ng patuloy na maganda at malalim na relasyon sa Diyos.  Sa sandaling ang isang pari ay may nahanap na mas mahalaga kaysa sa kanyang relasyon sa Diyos, tao man ito o bagay, karangalan, yaman o kapangyarihan, ito ang magiging simula ng pagtataksil niya sa kanyang pinakasalan nung siya ay ordinahan.  Ito rin ang magiging daan upang unti-unting itakwil niya ang kanyang mga sinumpaang tungkulin.

Ang aking pong mataimtim na panalangin ay nawa’y maging matatag kayo, ang aming mga pari, sa mga pagsubok ng buhay sapagkat kayo ang inaasahan naming mga laiko na gagabay sa aming buhay espiritwal at maging instrumento upang mabahaginan kami ng lakas at pag-ibig ng Diyos.  Nawa’y magsilbi kayong inspirasyon namin at maging mabuting halimbawa sa aming buhay-pananampalataya.  Dalangin ko rin po sa ating Dakilang Ama na kaming mga laiko ay magsilbing tapat na katuwang ninyo sa paglilingkod sa Diyos at kapwa.
           
Ang lahat ng ito’y akin pong samo at dalangin sa matamis na pangalan ni Hesus. Amen.

Nagmamahal sa ngalan ni Hesus,

Isang Laikong Lingkod 

Comments