Pagsasara ng Taon ng mga Laiko, idinaos sa Pasig

PASIG CITY - Idinaos ang Pagsasara ng Taon ng mga Laiko sa pamamagitan ng banal na misang pinangunahan ng Obispo ng Pasig Mylo Hubert Vergara noong ika-25 ng Oktubre 2014 sa Immaculate Concepcion Cathedral.

Tatlong mensahe ang binanggit ng mahal na Obispo para sa mga layko: ang pinili, ang pinagpala, at ang pinakamamahal.

Una, pinili ang layko upang maglingkod.

“Ang ating mga layko ay biyaya mula sa Diyos … sa lahat ng mga pinili upang maglingkod, ikaw ang pinili,” wika ni Bishop Mylo.

Ikalawa, binanggit niya na pinagpala ang layko ng Diyos. 

Nagbigay ng napapanahong paalala ang Obispo, “Pinagpala ka.  Maraming nagagawa ang Parokya, ngunit ano man ang galing natin ay hindi atin, kundi dahil sa kanya (sa Diyos),”

Ikatlo, ang layko ay pinakamamahal ng Diyos.

“Pinili ka sapagkat minamahal ka ng Diyos … at ano ang iyong tugon?  Pag-ibig din,” wika ni Bishop.

Samantala, opisyal na pinahayag ng Chancellor Fr. Mar Baranda sa banal na misa ang bagong assignment ng mga kaparian bilang kura paroko, school directors at parochial vicars simula ika-1 ng Pebrero 2015.

“Kapag may paring ipinadala sa inyong parokya, pinagpala kayo ng Diyos… mahalin niyo ang mga pari,” paalala ng Obispo.

Binasbasan din ni Bishop Mylo ang imahe ng Santo Papa Juan Pablo II, tanda ng pagtangi natin sa Santo Papang nakabisita sa ating bansa noong 1981 sa beatification ni Lorenzo Ruiz at noong 1995 sa para sa Pandaigdigang Araw ng mga Kabataan.

Ang rurok ng pagbabasbas ng imahe ay ang paghahandog sa madla ng mga banal na pangunahing relikya ng Banal na Papa, ang bahid ng kanyang dugo at hibla ng buhok .  Ang mga ito’y binigyan pitagan ng mga mananampalataya pagkatapos ng misa.


Samantala, iginawad ni Bishop Mylo ang parangal sa labing
pitong mga lider-layko sa pamamagitan ng Lay Leadership Awards bago matapos ang misa. (Ulat ni Fr. Lito Jopson)

Comments