MENSAHE NG OBISPO NG PASIG MYLO HUBERT VERGARA SA PAGBUBUKAS NG TAON NG MGA DUKHA SA DIYOSESIS NG PASIG

Enero 31, 2015

MAGLINGKOD SA MGA DUKHA

Pinakamamahal na mga kapatid kay Kristo,

Kapayapaan sa inyong lahat!

Katatapos pa lamang ng mabiyaya't mabungang pagbisita ni Pope Francis sa Pilipinas noong nakaraang ika-15 hanggang ika-19 ng Enero.  Sigurado akong ramdam na ramdam pa natin ang mga naganap noong mga araw na iyon.  Sa iba’t ibang paraan, nakita, narinig, at naranasan natin ang pastoral na pagdalaw ng ating Santo Papa.  Marami tayong maikukwento katulad ng paghihintay natin sa daan upang masilayan lamang siya na nakasakay sa pope mobile at makunan ng litrato gamit ang celphone, camera, o computer tablet.  Yung iba naman, sari-sari ang karansanan nang dumalo sa misa sa Tacloban at Luneta na pinuspos ng halos walang tigil na ulan.  Marami siyang sinabing pangaral na tumimo sa ating isip at puso.  May mga ilan ngang nagsabi sa akin na kahit sa TV lang, naiiyak na habang nakikita si Pope Francis magmula sa kanyang pagdating sa ating bansa hanggang sa siya’y lumisan pabalik sa Roma. Masasabi nating naka-enkwentro natin nang personal ang Panginoong Hesukristo sa pamamagitan ni Pope Francis.

Nakakatawag-pansin sa lahat ng kanyang pangaral ang mariin niyang sinabi na pastulan ang mga dukha.  Akmang-akma ito sa pagdiriwang natin ng “Year of the Poor” o “Taon ng mga Dukha”.  Iba’t iba ang mukha ng karukhaan: materyal, espiritual, at moral.  Para kay Pope Francis, mahalagang harapin ang ating karukhaan sa mata ng Diyos at mahalin ang mga dukha na pinag-uukulan ng kalinga ni Hesus.  Magagawa lamang natin ito kung tatalikdan ang mga tukso ng kamunduhan lalo na ang materialismo.  Nasabi nga niya sa aming mga Obispo, pari, madre at seminarista sa kanyang misa sa Manila Cathedral na dapat naming tularan walang iba kundi si Hesus, na piniling maging dukha at makipamuhay sa mga dukha na pinagpahayagan ng Mabuting Balita.  Idinagdag pa ng Santo Papa na kapag inalis ang mahirap sa bibliya ay hindi natin ito mauunawaan. (cf. Homiliya, ika-16 ng Enero 2015).

Dahil dito, nais kong samantalahin ang pagkakataong ito upang humingi ng tawad sa inyo kung ako na inyong pastol at pati na rin ang mga pari ng ating diyosesis ay hindi naging huwarang saksi ng simpleng pamumuhay at hindi nag-ukol ng maraming panahon sa patulong at pagkalinga sa mga dukha ng ating mga parokya.  Pakiusap ko na dagdagan pa ninyo ang panalangin para sa amin upang maisabuhay namin ang pangakong maging dukha na aming sinumpaan noong araw ng aming ordinasyon.  Sa inyong panalangin at pagpapaalala, nawa’y masalamin namin si Hesus na ayon kay San Pablo: “bagamat mayaman ay nagpakadukha upang yumaman kayo sa pamamagitan ng kanyang karukhaan.” (2 Cor 8. 9)  Sa ganitong paraan, lalo kaming taos-pusong makapaglilingkod sa mga dukha.

Ngayon ding taong ito ay itinakdang “International Year of Consecrated Life” na idineklara ni Pope Francis. Lubos tayong nagpapasalamat sa mga paring relihiyoso at madreng religiyosa na naglilingkod sa ating diyosesis.  Di kaila sa marami sa atin ang paglilingkod nila sa mga dukha ng ating mga pamayanan tulad ng mga “mentally handicapped children”, “abandoned children”, “prostitutes”, at mga maysakit na nagangailangan ng pagkalinga at pagtulong. ‘Yung iba sa mga madre at paring ito ay babad din sa pagbubuo ng munting pamayanan o Basic Ecclesial Communities o BECs sa lugar ng mahihirap at naglalaan ng panahon para sa pagbibigay ng katesismo at pagtulong sa ilang kabataan upang makapag-aral sa paaralan.

Sa Taong ito ng mga Dukha, nawa’y maging inspirasyon din natin si Kristel Mae Padasas na kinilala ni Pope Francis na “huwaran ng paglilingkod” sa kanyang kabataan.   Siya ay taga-Taguig at parokyano ng Sto. NiƱo Parish, Signal Village dito sa Diyosesis ng Pasig.  Kasama siya sa mga naghanda sa pagdalaw ng Santo Papa sa Tacloban.  Sa di inaasahang pangyayari, siya’y nabagsakan ng scaffolding at namatay , dala na rin siguro ng matinding hangin at ulan dala ng bagyong “Amang” noong nagmisa doon si Pope Francis.  Noong nabalitaan ito ng Santo Papa nang nakabalik na siya sa Maynila, agad niyang ipinatawag ang ama ni Kristel upang makiramay nang personal sa kanya.  Sa pagkakataong ito, nakilala ang kabutihan at kagandahang loob ni Kristel.  Naikwento ng kanyang ama na tinalikuran ng kanyang anak ang ambisyong magtrabaho sa isang malaking kumpanya at magpayaman pagkatapos ng kolehiyo.  Pinili niyang maging volunteer ng Catholic Relief Services na tumulong sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda sa Samar.  Naikwento din na sa halip na bumili ng cake o maghanda tuwing birthday, inilalaan niya ang kanyang pera para bumili ng mga notebook at ballpen para magamit ng mga dukhang bata sa eskwela.  Tunay ngang si Kristel ay huwarang inspirasyon para sa atin lahat.

Nawa’y tulad ni Maria, Ina ng mga Dukha na lubos na nagtiwala sa Diyos, maisakatuparan natin ang ipinahayag at isinabuhay ni Hesus mula kay properta Isaias na hamon din sa atin:  “Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon, sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral ang Mabuting Balita.  Sinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila’y lalaya, at sa mga bulag na sila’y makakakita; upang bigyang –kaluwagan ang mga sinisiil, at ipahayag ang pagliligtas na gagawin ng Panginoon. “ (Lucas 4: 18 – 19)

Nagmamahal,

+Lubhang Kagalang-galang Mylo Hubert C. Vergara, DD

Obispo ng Pasig

Comments