Homilya ni Bp. Mylo Hubert C. Vergara, Pagdiriwang
ng Diyosesis ng Pasig
Para sa ika-25 Taong Anibersaryo ng Pagiging Pari,
Immaculate Conception Cathedral, Pasig City,
ika-21Marso 2015
Dalawampu’t
limang taon na po akong pari at sampung taong obispo. Ang bilis po ng panahon. Naalala ko pa nung kami nina Msgr. Clem, Frs.
Sel, Cesar, Joven, Henry, at Odon ay natulog sa bahay ni Cardinal Sin sa Villa
San Miguel nung gabi bago kami ordenahang pari 25 years ago. Di ko nga maintindihan kung bakit kailangan
pang dun mag-overnight. Baka sinisiguro lang ni Cardinal Sin na walang mangyayari
sa aming masama bago ordenahan, parang proteksyon sa ikakasal na. Nung gabing yun, nagsalita si Cardinal Sin sa
aming pito pagkatapos maghapunan para ihanda kami sa susunod na araw para sa
ordinasyon. Di ko makalilimutan yun
sinabi niya: “Like the Blessed Virgin Mary, tomorrow, you will conceive Jesus
Christ.” Yun sinabi niya ay patungkol sa
pagdiriwang ng Solemn Feast of the Annuciation na nataong naganap nung March 24
at araw ng Sabado. Kasi ang March 25 (yun talagang piyesta) nung taong yon ay
Linggo kaya iniurong sa liturgical calendar ng March 24 ang kapistahan ng
Annuciation. Parang sabi ni Cardinal
Sin, ipaglilihi at ipagbubuntis naming si Hesus. At pagkatapos, naisip ko at
napangiti ako sa aking sarili: “Iluluwal namin siya, di ko alam nun kung
pagkatapos ng siyam na buwan?” Pero alam
ko, pagkatapos ng isa o dalawang taon, naglakihan na ang mga tiyan ng ilan sa
amin (lalo na po ako) sa sobrang pagkain bilang mga batang pari.
Nung umaga, pinagising
kami ni Cardinal Sin ng alas kuwatro ng umaga para sabayan siyang magdasal. Masyadong
maaga ang gising namin noon, parang Misa de Gallo. Pinilit kong maagang gumising at pumunta sa
private chapel ni Cardinal Sin at baka mapaglitan kung ma-late. Eh laking gulat ko nung nakita ko si Cardinal
na mas maaga pang nandun at nagrorosaryo. Yun iba sa amin eh nahuli pang
dumating sa chapel. Pero sabay sabay pa
rin kaming nagdasal ng Liturgy of the Hours o Panalangin ng Kristyano. Nag-almusal kami pagkatapos, kasama pa rin si
Cardinal Sin, at naghanda nang magbiyahe sa isang sasakyan patungo sa Manila
Cathedral para ordenahang pari. Nagsimula
ang misa at ordinasyon ng alas nuwebe ng umaga at natapos ng halos alas dose ng
tanghali. Mahaba ang naging rito kasi
pito kaming inordenahan nun. Parang
dumaan lang ang tatlong oras at di namin namalayan—mga pari na kami!
Fast forward
tayo. Twenty-five years na, pari pa rin
po kami at naglilingkod sa Diyos at Simbahan.
Binabalikan ko sa aking panalangin at pagninilay yung: sampung taong
naging tagahubog ako ng seminarista sa Holy Apostles Senior Seminary kasama na
rin dito yun pagiging chaplain ng Chapel of the Eucharistic Lord sa SM Megamal
at Sto. Nino de Paz Chapel sa Greenbelt, Makati, dalawang taong parish priest
ng Sta. Rita de Cascia sa Philam Homes, QC, dalawang taong parish priest ng
Holy Sacrifice Parish sa UP, anim na taong obispo ng Diyosesis ng San Jose,
Nueva Ecija at halos apat na taon ng obispo niyo dito sa Pasig. Katulad siguro ng mga batchmates kong
nagdiriwang ng silver anniversray ngayon, isa lamang ang sinasambit ng puso ko:
pasasalamat! Salamat sa Diyos at pari pa
rin ako at pari pa rin kaming lahat ngayon.
Ito naman po ang
diwa ng misa natin noon, ngayon, at sa hinaharap: walang hanggang pasasalamat
sa Diyos at di po niya kami pinabayaan sa buhay pagpapari at panalangin pa rin naming
maging pari magpakailanman! Hindi po
naging madali ang 25 years. Maraming tukso laban sa mga sinumpaan namin katulad
ng pangakong maging dukha at mamuhay ng simple, manatiling malinis ang puso at
di mag-asawa, maging masunurin sa obispo at sa kalooban ng Diyos. Minsan nga
may pabirong nagtanong sa akin kung ano ang mga tuksong hinarap ko bilang pari. Gusto ko sanang sagutin ng ‘secret’ pero
nasabi ko na lang ng pangiti-- ‘lahat’.
Tao lang po kaming katulad ninyong lahat, marupok at nagkakasala. Marami din pong mga pagsubok sa ministro:
yung kahit pagod o bagot ka na ay kailangan mo pang ngumiti at maglingkod, yung
hirap pagbigyan ang lahat ng nakikiusap sa iyo na mag-misa o mag-talk, at yung
nahusgahan ka na ng kapwa pari mo o mga lider-laiko kahit wala ka namang
ginagawang mali at marami pang iba.
Kasama ito sa buhay ng kahit sinong pari. Pero sa gitna ng lahat ng ito,
nandiyan pa rin ang Diyos at binibigyan kami ng lakas ng loob para magpatuloy
sa aming paglilingkod. Pari pa rin ako.
Pari pa rin kaming naglilingkod sa Diyos.
Salamat sa Diyos.
Isa lamang
siguro ang patuloy na mensahe sa akin ng Panginoong Hesus ngayong naabot ko na
ang dalawanpu’t limang taon ng pagiging pari.
At ito’y napapaloob sa tanong niya sa akin noong ako’y tumugon sa
pagpapari nung pumasok sa seminaryo, naordinanhang pari at pati na rin sa
pagka-obispo. Ito yung tanong niya kay
Simon Pedro sa ebanghelyo: “Mahal mo ba ako?”
Mabigat yun tanong sapagkat kahit paulit-ulit akong sumagot ng “Oo”,
alam kong alam ni Hesus na di ko ito hustong napatutunayan dala nang aking mga
kahinaan at kasalanan. Marami pa rin
akong dapat baguhin sa aking sarili para maging banal at mabuting pari. Isang motibasyon na humihikayat sa aking
maglingkod bilang pari ay ang utos at hamon ni Hesus, sa kabila ng aking
karupukan, sinasabi pa rin niya sa akin: “Pakanin ko ang aking mga tupa.” Alam ni Hesus na wala akong maipagyayabang sa
kanya pagkatapos ng dalawampu’t limang taon.
Kilala niya ako mula ulo hanggang paa, lalu na ang laman ng isip at puso
ko sa bawat sandali ng aking buhay. Kaya
nga buong pakumbaba na lang akong tumatalima sa kanyang kalooban. At umaasang sa awa ng Diyos, ay magagawa ko
ang lahat ng iutos niya sa akin.
Nung nakaraang
Martes, may pumunta sa aking nag-aaral sa UP na nakiusap sa akin na mai-cast o
maimolde yun aking isang kamay para i-exhibit sa “stations of the cross”. Gagawin itong isang uri ng hand sculpture. Masteral thesis daw niya sa “Fine Arts”
na-imolde ang mga kamay ng ilang personalidad na naging parte ng kasaysayan ng
“Parish of the Holy Sacrifice” sa UP sa bawat estasyon ng krus. Kung naalala niyo, nasabi ko kanina na ako’y
naging Parish Priest dun bago ako naging Obispo. Sabi niya sa akin na naimolde
na niya yun kamay ni Fr. Henry Ferreras na kasalukuyang kura paroko. Ang porma ng kamay ni Fr. Henry ay yung kamay
ni Hesus nung Last Supper. Yun kamay ko
raw ang huling imomolde para sa huli at ikalabing-apat na estasyon. Sabi niya dapat iporma ko daw na parang
nagbebendisyong kamay sa larawan ni Hesus na muling nabuhay mula sa
libingan. Tinanong pa nga niya ako: “Paano
po ba kayo nagbebendisyon kapag nagmimisa?”
Habang pinoporma ko yun aking kamay para imolde eh napag-isip isip ko na
sa loob ng dalawampu’t limang taon, marami na rin pala akong nabedisyunang tao.
Di ko na ito mabibilang. Naisip
ko pa: ginamit ni Hesus ang kamay ko para magbinyag, magkumpil, magpatawad,
mag-orden ng pari, magbendisyon sa ikakasal, magpahid ng langis sa maysakit at,
higit sa lahat, maging katawan at dugo niya ang tinapay at alak. Ginamit ni
Hesus ang kamay ko para ibahagi ang pagpapala ng kanyang pag-ibig at kapayapaan
sa maraming mananampalataya, sa inyo pong lahat.
Hiling ko lang po
at hiling din nina Msgr. Clem, Frs. Sel, Cesar, Joven, Henry, at Odon: patuloy
niyo kaming ipanalangin na ang pagpapala ng Diyos ay aming maibahagi bilang
mabuti at banal na pari magpakailanman.
Salamat po. Amen.
Comments