NANGANGAKO KA BA…TALAGA?

Homilya ni Bp. Mylo Hubert C. Vergara, Misa ng Krisma
Immaculate Conception Cathedral, Pasig City, ika-2 ng Abril 2015


Photo by: Cristy Evidente
        
         Katangi-tangi ang Misa ng Krisma sa taong ito para sa akin.  Ito’y dahil ngayong taong ito ay nataon ding pagdiriwang ko ng dalawampu’t limang taon ko bilang pari.  Simula po nang ako’y naordenahang pari, nakagawian ko, katulad ng ibang pari na ipagdiwang ang misa ng krisma kasama ang aming obispo.  Bago ako naging obispo, nagawa ko po ito ng labintatlong taon kasama si Jaime Cardinal Sin, ang nag-orden sa akin, sa Arkidiyosesis ng Maynila at dalawang taon, kasama si Bishop Honesto Ongtioco sa bagong tatag noon na Diyosesis ng Cubao kung saan ako napabilang nung hatiin ang Arkidiyosesis ng Maynila.

         Di ko maubos maisip na darating ang panahon na ako bilang pari na nagsasariwa ng mga pangako sa pagpapari nung araw ng ordinasyon tuwing misa ng krisma ay magiging obispo at siyang magiging saksi ng pagsasariwa ng mga pangako ng pari.  Bilang mga pari, isang dapat pagnilayan ay kung seryoso nga ba talaga kami sa aming mga pangako.  Napansin ko kasi pati sa aking sarili na kahit taon-taon akong mangako sa Diyos, sa obispo at sa harap ng sambayanan, di ko naman talaga lubusang natutupad ang aking pangako.  May kasabihan nga: “Marami tayong pangakong napapako sa wala at di nagagawa.” Balikan natin at lagumin sa dalawa ang mga tanong na sasagutin ng mga pari pagkatapos ng homiliyang ito.

Yung una, itatanong ko: “Ipinangangako mo bang matalik na makikiisa kay Kristo, maging katulad niya, kusang-loob na tatalikod sa pansariling kaluwagan at mamamalaging laan para sa paghahatid ng kanyang kapayapaan at pag-ibig sa kapwa?” Mabigat na tanong.  Sa totoo lang, naisip ko sa aking sarili. May mga pagkakataon na hindi nasasalamin sa buhay naming mga pari si Hesus.  May mga pagkakataon ding mas pinipili pa naming ang mas maluwag at komportable, yung madali at walang sakripisyo, yung pabor sa amin at kumbinyente.  At may mga pagkakataon na imbis na tagpaghatid kami ng kapayapaan at pag-ibig sa kapwa, kami’y kinatatakutan, kinaiinisan at iniiwasan.

At yung ikalawang tanong: “Ipinangangako mo bang matapat na ipapahayag ang misteryo ng pananampalataya, panguluhan ng taimtim ang mga sakramento, lalu na ang Banal na Eukaristiya, tularan si Hesus na Mabuting Pastol na nagtuturo ng daan ng pananampalataya, naglilingkod sa kapwa ng walang hangad gamitin ito sa pansariling kapakanan?”  Mabigat uli yung tanong kasi naisip ko rin.  May mga pagkakataon na hindi namin napaghahandaang mabuti ang aming homiliya kaya di maliwanag na naipapahayag ang pangaral ng Salita ng Diyos.  May mga pagkakataon ding di namin solemnong napangunguluhan ang mga sakramento ng simbahan; minsan di taimtim ang pagdiriwang namin ng misa, bihirang magpakumpisal at kinatatamaran pang bisitahin ang mga matatanda ng pamayanan at pahiran ng langis ang mga maysakit at nag-aagaw-buhay.  May mga pagkakataon na hindi kami naging mabuting pastol, matamlay na naglilingkod sa komunidad lalu na sa mga dukha at nangagailangan ng tulong.  Tunay na kulang pa rin kami sa pagiging bukas-palad at pag-aalay ng sarili sa aming pagkapari.

         Buong pakumbabang inaamin naming mga pari na marami kaming pagkukulang.  Minsan kapag iniisip ko ang aming kakulangan, kahinaan at maraming kasalanan bilang pari, ako’y pinanghihinaan ng loob.  Pero ano ang pinanghuhugutan ko ng lakas?  Sa bandang huli ng pagsasariwa ng mga pangako naming sa pagpapari, sinasabi ng obispo sa inyo, mga mananampalataya, aming mga laikong lider-lingkod, kayo ang aming mga parokyano: “Ipagdasal ninyo ang mga pari kay Kristo na palakasin niya ang loob namin upang mapangatawanan namin ang aming pananagutan ng buong pag-ibig at katapatan, at upang maakay kami sa masaganang batis ng kaligtasan.”  Ibig sabihin po nito, kayo ang aming tagadasal, tagapamagitan din kay Kristo, samakatuwid ang aming mga “prayer warriors”.  Sa totoo lang, bukod sa Diyos, kayo rin po ang pinanghuhugutan namin ng lakas ng loob upang magpatuloy sa aming paglilingkod.  Tulungan niyo po kaming maging mabuti at banal na pari.

         Sabi ko kanina, katangi-tangi ang misang ito ng krisma para sa akin dahil ikadalawampu’t limang anibersaryo ko bilang pari. Ito ang pinilakang taong ko bilang ordeng lingkod ni Hesus.  May nagsabi nga sa akin: “Bishop, pilak ka na!” Alam niyo ba kung paano ginagawa ang pilak, paano ito nagiging purong pilak, iba sa ginto o tanso?  Sabi nila ang metal o bakal ng pilak ay niluluto sa nagbabagang apoy. At dapat yung panday ng pilak ay matiyagang binabantayan ang nalulusaw na metal ng pilak hanggang maabot nito ang pagiging puro o pino.  Mayroon daw eksaktong sandali o panahon para masegurong narating nito ang kapuruhan o kapinuhan. Paano? Kapag tinignan nung panday ang lusaw na pilak at nakita niya ang kanyang mukha ng malinaw na para bagang nakaharap siya sa salamin.  Ito ang indikasyon na narating na ng pilak ang pagiging puro at pino. 


         Naisip ko tuloy. Sa pinilakang taon ko bilang pari, dapat ang nakikita sa akin ay mukha ni Hesus na pinanggalingan ng aking bokasyon, pumili sa akin para maging pari, at pinagdadaluyan ng aking paglilingkod.  Malayo pa po ako dun.  Katulad din ng mga paring naririto ngayon, malayo pa rin po sila dun.  Kahit siguro kami’y mamatay na, iburol at mailibing, parang di pa rin namin masasalamin si Hesus ang ganap na pari magpakailanman.  Dasal ko, at marahil dasal din ng lahat ng pari, na dumating ang panahon, kahit, anino lamang, ay masilayan ninyo si Kristo sa amin.  At kapag dumating ang oras na yon, baka tanda na ito na sineryoso namin at natupad ang ilang pangako namin sa pagpapari. At tunay na masasabi namin, katulad ni Hesus: “Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon, sapagkat hinirang niya ako at upang ipangaral sa dukha ang Mabuting Balita.  Sinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila’y lalaya, at sa bulag, na sila’y makakikita; upang bigyang-kaluwagan ang mga sinisiil, at ipahayag ang pagliligtas na gagawin ng Panginoon.” Amen.

Comments