Pagpapahayag, paglalakbay, pagpapakabanal

 HOMILIYA NG LUBHANG KGG. MYLO HUBERT VERGARA SA PAGBUBUKAS NG YEAR OF FAITH SA DIYOSESIS NG PASIG

Oktubre 20, 2012

Magandang Hapon po sa inyong lahat!
    Alam niyo po noong ika-11 ng Oktubre ay binuksan na po ng Santo Papa Benedicto XVI ang “Year of Faith” o Taon ng Pananampalataya pero sa iba’t ibang diyosesis ay inanyayahan din po silang magkaroon ng pagbubukas ng “Year of Faith” sa itinakdang panahon.  At para sa atin po dito sa Diyosesis ng Pasig na itinataon din po ng “Year of Faith” nitong buwan ng Oktubre ay nagaganap ang pagbubukas ng Taon ng Pananampalataya  para sa ating partikular na simbahan sa Diyosesis ng Pasig.  Kaya naman po babanggitin ko ang ilang mga pangangaral ng Santo Papa sa kanyang homiliya noong ika-11 ng Oktubre nung binuksan niya itong “Year of Faith” o Taon ng Pananampalataya, at nais ko ring gamiting basehan ang ating mga pagbasa ngayon na ginamit din noong pagdiriwang ng Eukaristiya noong ika-11 ng Oktubre. Pero nais kong bigyan ng pagninilay  ang  tatlong mahalagang paksa o punto na sa tingin ko ay madali po nating mapagnilayan.
   Yung una po ay pagpapahayag ng Mabuting Balita; yung ikalawa ay paglalakbay at yung ikatlo ay pagpapakabanal.  Pagpapahayag, paglalakbay at pagpapakabanal.  Doon sa tatlong paksang ito ay parang naidaraos natin yaong nais sabihin ng Santo Papa para sa lahat ng mananampalataya ngayong tayo ay napapaloob na sa “Year of Faith” o Taon ng Pananampalataya.
  Yong una po ay pagpapahayag ng Mabuting Balita.  Hindi lingid sa iyong kaalaman na kaya po binuksan nung ika-11 ng Oktubre itong “Year of Faith” ay dahil ito po yung ginintuang pagdiriwang ng pagbubukas ng Vatican II o 2nd Vatican Council na naganap po noong October 11, 1962, at nataon rin po nong Oktubre 11, 20-years na nakaraan ay ito rin po yung pagmimisyon ng Catechism of the Catholic Church, ang basehan po ng lahat ng katesismo ng ating pangangaral tungkol sa doktrina ng simbahan. At sa totoo lang napapaloob din po yung tinatawag na deklarasyon ng “Year of Faith” itong katatapos ng Synod of Bishops na pinagnilayan yaong hamon ng new evangelization o pagpapahiwatig o pagpapahayag ng Mabuting Balita para sa ating lahat.  Kaya naman mapapansin natin itong tatlong selebrasyon at tinutumbok talaga nito ang pagpapahayag ng Mabuting Balita ng Diyos.  Pero binigyang diin ng Santo Papa kung ano nga ba ang sentro ng ipinapahayag.
   Sa ating ebanghelyo ngayon nakita natin at narinig si Hesus na nasa sinagoga na nagpahayag ng Mabuting Balita.  Kumuha siya ng sipi mula sa Banal na Kasulatan mula kay propeta Isaias na sinabi, “Ang Spiritu ng Diyos ay umiiral sa akin,” ang pagpapahayag ng Mabuting Balita sa mga dukha at sa mga nangangailangan.  At mapapansin ninyo na matapos niyang ipahayag ay sinabi nya “Ngayon din ay naganap na ang mga salitang ito.”  Binigyang diin ng Santo Papa, “Walang ibang ipapahayag kundi ang Panginoong Hesukristo.”  Anuman ang naipangaral sa kasaysayan ng simbahan, ang puno at dulo ay ang Panginoong Hesukristo.  Ayon sa Katesismo ng Simbahan, “Jesus is the pioneer and perfecter of faith”.  Kaya nga po dapat maging maliwanag na si Hesus ang ipapahayag, lahat ng ating pagpapahayag ng Mabuting Balita, walang labis walang kulang ay ang Panginoong Hesukristo
   Yung ikalawa ay paglalakbay.  Alam ninyo, sa unang pagbasa mula sa aklat ng Eklesiastiko, napapansin ninyo ang larawan ng manlalakbay.  At ginamit din pong pagninilay ng Santo Papa tungkol sa unang pagbasa na ang lahat ng naglalakbay ay makararating sa dulo ng buhay, kung baga ang pagpasok natin sa panahon ng pananampalataya ay isang paglalakbay.  Hindi ito paglalakbay na panlabas katulad nakasakay sa isang kotse o eroplano.  Ang tinutukoy na paglalakbay ay panloob, sa ingles po ito yong “inward journey”. Itong taon ng pananampalataya ay isang panloob na paglalakbay.  Kaya nga po makikita natin itong taon ng pananampalataya bilang panahon na dapat pagninilay-nilayan at pag-aralan ang mga dokumento ng Vatican II, Katesisimo ng Catholic Church at ang Banal na Kasulatan. Sana po, tayo ay maging ganap na Katolikong Kristiyano, hindi Katolikong parang debotong walang alam kundi Katolikong may alam at isinasabuhay ang nalalaman.
   Yung ikatlo po ay pagpapakabanal.  Sa totoo lang, kung merong dapat patunguhan ang pagpapalagananap ng Mabuting Balita at panloob na paglalakbay, ito ang daan ng kabanalan.  Pero anong uri ng kabanalan? Mapalad tayo dahil ngayon po ay bisperas ng canonization ni Blessed Pedro Calungsod.  Meron na tayong ikalawang santo na dapat talagang ipagpapasalamat sa Diyos. At kung merong pinatutunayan itong si Blessed Pedro Calungsod, ang ikalawang Pilipinong Santo, ang daan ng kabanalan ay dapat natin seryosohin.  Pero ang kalidad ay sa pagpapatunay na handa nating itaya ang ating buhay para sa Diyos.  Iyan ang kabanalan at ito’y maipapakita kung handa tayong maging saksi ng pag-ibig.  Ito yung sinusulat ng Santo Papa doon sa kanyang dukumentong Porta Fidei na ang hamon niya sa mga mananampalataya ay sa Ingles maging “witness of charity” o saksi ng pag-ibig.  Dapat tularan si Blessed Pedro Calungsod.  Yung salitang sakripisyo ay napakagandang seryosohin. 
  Kanina po, bago tayo magdiwang ng ating misa dito sa ating CEFAM Youth assembly na ang misa ay patungkol kay Blessed Pedro Calungsod, binigyan dito yung kahalagahan ng pagsasakripisyo para sa Diyos.  Ang salitang sakripisyo po ay hango sa salitang “Sacra pacere” na ibig sabihin ay “gawing banal”.  Handa po bang gawing banal ang iyong buhay para sa Diyos na magsakripisyo sa buhay ayon sa turo ng ebanghelyo?
   Tatlong mahalagang pagninilay sa pagpapahayag ng Mabuting Balita’y walang iba kundi ang Panginoong Hesukristo, paglalakbay ng panloob, paglalakbay na meron tayong matututunan, at ikatlo, pagpapakabanal na sadyang ang hamon ay ialay ang buhay natin para sa Diyos, maging saksi ang pag-ibig at magpakabanal dahil ito ang bokasyon nating lahat.

Comments