PASASALAMAT, PAGPAPANIBAGO AT PANANALIG KAY KRISTO

 Unang liham pastoral ng Lubhang Kgg. Mylo Hubert Vergara, D.D.

Minamahal kong Sambayanan ng Diyos ng Diyosesis ng Pasig,
   Kapayapaan mula sa Poong Maykapal na nagmamahal nang lubos!
   Nagdesisyon akong ipahayag ang kauna-unahang sulat pastoral ko sa pagbubukas ng ating diyosesis ng “Year of Faith” na binuksan na ng ating Santo Papa, Benedicto XVI noong ika-11 ng Oktubre 2012, sampung araw na ang nakaraan. Nasabi nga niya noong nakaraang taon, na itong “Year of Faith” ay “moment of grace and commitment for an ever fuller conversion to God, to strengthen our faith in Him, and to proclaim Him with joy to the people of our time.” (Pope Benedict XVI, October 16, 2012) Mula sa mga pananalitang ito, nais kong magbahagi ng tatlong mensahe at pagninilay na maaaring maging daan ng makabuluhang pagdiriwang ng taong ito at pagtanaw sa ikasampung anibersaryo ng pagdiriwang natin ng pagkakatatag ng ating diyosesis.
   Ang una ay pasasalamat. Sabi ni Santa Teresita ng NiƱo Hesus: “Lahat ay biyaya.” Isang malaking biyaya na sa pagdiriwang natin ng “Year of Faith” ay napapaloob ang mga katangi-tanging pagdiriwang ng ating diyosesis.  Apat na parokya ang magdiriwang ng “jubilee year”: ikalimampung anibersaryo ng Our Lady of the Holy Rosary Parish, Taguig at Santo Rosario de Pasig Parish, Rosario; ika-animnapung anibersaryo ng Sto. Tomas de Villanueva, Santolan, Pasig; at ikaapat na raan at dalawampu’t limang anibersaryo ng St. Anne Parish, Taguig. Natatangi din na sa taong darating ay ikasandaang anibersaryo ng Pasig Catholic College at ikadalawampu’t limang anibersaryo ng dalawa pa nating parochial schools, Sto. Nino Catholic School at Bicutan Parochial School – mga maituturing nating malaking biyaya sa paghuhubog ng kaisipan, buhay moral at espirituwal ng libu-libong mag-aaral noon at magpa sa hanggang ngayon. At siyempre lahat ng mga pagdiriwang na ito ay magaganap sa ikasampung anibersaryo na pagkakatatag ng Diyosesis ng Pasig. Hindi ko po maubos maisip na idineklara ng Santo Papa ang “Year of Faith” na naitaon sa pagdiriwang natin ng mga mahahalagang “jubilee celebration”. Hindi po ba malaking biyaya ito ng Diyos sa atin?
   Ang biyaya ay dapat pasalamatan. Kaya nga lubus-lubos na lamang ang ating pagpupuri at pasasalamat sa Diyos sa mga biyayang ito na kaloob sa ating sambayanan. Naisulat nga ni San Pablo, dapat lamang: “Pasalamatan ang Diyos na Ama ni Hesukristong ating Panginoon!  Pinagpala niya tayo sa kalangitan, kay Kristo, ng bawat pinagpalang esperituwal.” (Efeso 1:3)
   Ang ikalawa ay pagpapanibago. Ipinangaral ng Santo Papa: “The Year of Faith...is a summons to an authentic and renewed conversion to the Lord, the one Saviour of the world.” (PF #6) Napakagandang pagkakataon ito upang seryosong magbalik-loob sa Diyos at magpanibagong buhay kay Kristo. Lahat po tayo ay makasalanan. Ako bilang inyong pastol, ang mga pari at madreng naglilingkod sa inyo, pati narin ang mga lider-laiko sa ating mga parokya ay marupok at maraming pagkukulang. Buong pagpapakumbabang manikluhod tayo sa Diyos at humingi ng tawad sa ating mga kasalanan tungo sa isang makatotohanang pagbabagong buhay.  Magagawa natin ito sa tulong ng Diyos na mahabagin.    
   Naalaala ko tuloy na minsan sa aking banal na oras nang ako’y nagdarasal at nagtatanod sa harap ng Santisimo Sakramento, naitanong ko kay Hesus kung paano nga ba ako mananatiling banal at tapat sa kanya bilang pari. Naihayag ng puso ko sa panalangin na napakahirap magpakabuti, na sana’y di na ako magkasala sa isip, salita at gawa. Para bang ibinulong Niya sa akin: “Di mo kayang ikaw lang, kailangan mo ako para magbago.” Tama nga ang panalangin ni San Ignacio ng Loyola sa Diyos: “Give me your love and grace and this is enough for me.”
    Ang ikatlo ay pananalig. Saan nga ba patutungo ang pasasalamat at pagpapanibagong-buhay natin kay Kristo kundi sa isang makabuluhang pananalig sa Kanya? Kaya nga binigyang diin ng ating Santo Papa: “Faith grows when it is lived as an experience of love received and when it is communicated as an experience of grace and joy. It makes us fruitful, because it expands our hearts in hope and enables us to bear life-giving witness, indeed, it opens the hearts and minds of those who listen to respond to the Lord’s invitation to adhere to His word and become His disciples.” (PF #7) Dapat nating isabuhay ang ating pananampalataya. Nabanggit pa nga ng Santo Papa: “One thing that will be of decisive importance of this Year is retracing the history of our faith, marked as it is by the unfathomable mystery of the interweaving of holiness and sin.” (PF #13)  Ibig sabihin, magandang balik-tanawan at magsilbing inspirasyon ang mga huwaran ng ating pananampalataya: ang Panginoong Hesukristo, ang Mahal na Birheng Maria, ang mga apostol, ang mga unang Kristiyano, ang mga martir, ang mga santo’t santa, ang mga konsagradong pari at madre, at lahat ng mga naglilingkod sa Diyos sa iba’t ibang larangan ng buhay, kasama tayong lahat na nagmamahal sa Poong Maykapal. Mapalad nga tayo at isang malaking biyaya ng Diyos na sa araw mismong ito, na napagdiriwang din ng World Mission Sunday, ay nagaganap sa Roma ang “canonization” ng ikalawang santong Pilipino – si San Pedro Calungsod.
   Naibahagi ko noong araw ng pagkakatalaga ko bilang Obispo ng Pasig na sampung taon po akong nanirahan dito mismo sa Pasig simula po ng ako’y isilang noong ika-23 ng Oktubre 1962. Ang aking lola Eulogia na tawag nami’y Inang at ang aking Lolo Olegario na tawag nami’y Amang ay nakatira sa Maybunga. Doon sa Maybunga isinilang at lumaki ang aking inang si Eden, panganay na anak ng aking Amang at Inang. Noong nabubuhay pa ang Inang, naikuwento niya ang hirap na dinaanan nila noong panahon ng Hapon (World War II). Nasaksihan nila ang mga kalalakihang sinona at sinunog ng mga Hapon, at bagama’t peligroso at mahirap, nakagawa pa rin ng paraan sina Amang at Inang upang mailigtas ang buong pamilya sa pamamagitan ng pagtago sa isang “bomb shelter” o balon. Kuwento naman ng aking nanay na si Eden – sila’y gumagawa at nagtitinda ng palayok upang mabuhay at maitaguyod ang pamilya. Nagtutulungan silang magkakapatid noon.
   Nag-aral ang aking nanay sa Paaralang Elementarya ng Pasig at Rizal High School. Ito ang naging pundasyon niya upang mag-aral ng kolehiyo at “masteral studies” sa University of Sto. Tomas (UST). Naging guro siya sa Paaralang Elementarya ng Pasig; naging miyembro ng tinatawag na “Minerva group” noong kadalagahan niya kung saan siya daw ay naging “Miss Virtue”.  Ang kanyang buhay espirituwal ay lumago sa kanyang pagsisimba sa Immaculate Conception Parish dito sa Pasig na ngayo’y ating Katedral dito sa Diyosesis ng Pasig.  Sa mga panahong kami ay nasa Barrio Kapitolyo na, nagturo din ang aking ina bilang katekista at naging aktibo sa “Legion of Mary”.  Sa St. Francis of Assisi Parish (doon po sa Shaw Blvd.) na siya madalas nagsisimba noon kung saan ako bininyagan. Nagkaroon nga ng isang kapilya ang parokya ng St. Francis Parish na tinawag namang Holy Family Chapel. Malapit ito sa dati naming bahay at maraming kaibigan ang aking ama’t ina na kasama nilang naglilikod rin sa simbahan. Naging parokya ito noong 1976 na sa kasalukuyan ang mismong simbahan ay nasa isang malaking “construction-renovation project” para bendisyunan ko, sa awa ng Diyos, sa susunod na taon na napapaloob din sa pagdiriwang natin ng “Year of Faith”.
   Marahil sa nakagisnan, sinimulan, naranasan at naipunla ng aking lolo at lola, aking mga magulang, pati na rin ng kanilang mga mahal sa buhay na naging huwaran ng pananalig, naiguhit ng Diyos ang plano niya sa akin na maglingkod sa inyo at maging instrumento upang ipalaganap ang Mabuting Balita ni Hesus at ipangaral ang pananampalataya, katuwang ang mga pari, madre, at lider-laiko ng Diyosesis ng Pasig.
   Pasasalamat, pagpapanibago at pananalig kay Kristo. Ito nawa ang isaisip, isapuso at isabuhay nating lahat sa pagdiriwang natin nitong natatanging Taon ng Pananampalataya.
   Itong darating na ika-23 ng Oktubre, ipagdiriwang ko ang ikalimampu kong kaarawan. “Golden boy” na po ako. Isama ninyo ako sa inyong panalangin na bigyan pa po ako ng Diyos ng kalusugan sa katawan, kalooban at kaluluwa upang makapaglingkod sa inyo ng lubos. Harinawa’y katulad ng ating Mahal na Inang si Maria, ang Imakulada Konsepsiyon, aking palaging sambitin: “Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi.” (Lukas1:38)  Panalangin ko na umalingawngaw sa ating salita at gawa ang masayang pagpapalaganap ng Mabuting Balita ni Hesus na magdudulot sa atin ng malalim na pananampalataya, pag-asa at pag-ibig.
   Mahal ko po kayong lahat! Mahal po tayo ng Diyos. Amen.
   (Sgd.) Lubhang Kgg. Mylo Hubert C. Vergara, D.D.  Obispong Diyosesis ng Pasig, Ika-21 ng Oktubre 2012                                         

Comments